Sunday, June 26, 2011

Samahang Ilocano "Medical and Dental Mission" sa Qatar




Ang pagtulong sa kapwa ay isa sa ugaling pinoy na hinahangaan ng ibang lahi sa atin mga Pilipino. Karamihan sa mga OFW na nakasalamuha ko sa bansang aking pinuntahan ay hindi magkamayaw kapag nakakabalita ng libreng “Medical at Dental Mission” at iyan po ang isa sa mga pinagkakaabalahan ng iba’t ibang grupo dito sa Qatar. Mula ng ako ay naging aktibo sa pagsusulat ng mga istoryang usaping BuhayOFW ay naramdaman ko sa aking sarili ang paghanga sa ilan nating mga kababayan na walang sawang  na nagboluntaryo sa mga kababayan natin hindi kayang magpagamot sa ospital.




Isa sa hinahangaan kong mga grupo ay ang mga bumubuo sa  “Medical at Dental Mission Volunteer” ang mga kaibigan nating ito ay walang sawang tumutulong sa mga kababayan nating OFW na may karamdaman. Nitong June 24, 2011 biyernes nagsagawa ng free medical and dental check up ang mga kababayan nating volunteer at ilang sa mga naging sponsor ng nasabing misyon ay kinabibilangan ng FNAQ (Filipino Nurses Association Qatar), FDDVQ (Filipino Dentists and Dental Volunteers Qatar), Physicians, PhPAQ (Philippine Pharmacists Association Qatar), kasama ang mga iba’t ibang grupo na kinabibilangan ng UPMMG, Guardians, BalitangQ, BME, TLCQ at ang mga naging sponsors para maging maayos lalo ang nasabing misyon ay ang lugar ng Filipino Community Center (FCC) sa Doha,Qatar. Sa tulong na rin ng mga binigay na donasyon ng  Western Union at Alicafe/Powerhorse.



Ang nagtaguyod ng nasabing mission ay ang CIASI (Confederation of Ilocano Association - Samahang Ilocano) ito ay binubuo nila national president Jayson Cubangbang, national chairman Melvin Yadao at si sorority president Engr. Jenny Fortin ito ay para makatulong sa mga kababayan nating hindi kayang magpagamot dala ng maliit na sahod at magastos na pamumuhay dito sa Qatar. Mula pa kagabi ay punong abala na ang mga kaibigan at kasama nating Ilocano para maging maayos ang gaganaping “Medical at Dental Mission” sa Filipino Community Center (FCC) sa Doha.




Totoo diba napakasarap ang pakiramdam na nakakatulong ka sa iyong kapwa gamit ang iyong talento na wala man lang hinihitay na kapalit. Ang taos pusong pag boluntaryo sa mga ganitong aktibidad ay ang ugaling pinoy na dapat po nating ipamalaki. Sa lahat po ng bumubuo ng ginanap na “Medical and Dental Mission” mabuhay po kayo at wag po kayong magsasawa na ibahagi sa ating mga kababayan ang inyong magandang hangarin sa kapwa. Ipagpatuloy po ninyo ang inyong sinimulan at makakaasa po kayo na palaging sumusubaybay ang BuhayOFW sa inyong mga misyon.




Mula po sa inyong lingkod BuhayOFW humanga sa inyong kabayanihan. Proud to be Pinoy

Friday, June 24, 2011

Ang kasaysayan ng Nokia Cellphone sa ating Buhay

Alam ba ninyo na ang NOKIA ay nagsimula pa ng panahong 1865 na kagaya ng kapanganakan ni Gat. Miguel Malvar y Carpio na isa nating bayani. Si Ginoong Fredrik Idestam ang siyang nagpasimula ng kompanya na ang tanging kalakal ay ang mga papel sa lugar kung tawagin ay Nokianvirta river doon kinuha ang pangalang NOKIA.

Noong taong 1898 kaalinsabay ng pagdedeklara ng ating kalayaan sa Pilipinas laban sa mga espanyol ay itinayo rin ang kompanyang "Finnish Rubber Works" na pagmamay ari ng kompanyang NOKIA. Magkasabay silang naiproklama sa iisang taon.

At ng taong 1912 kasabay nag pagbubukas ng Manila Hotel sa maynila ay tinatag din ang kauna unahang cables works ng NOKIA na kung saan ito ay nakilala sa pangalang "Finnish Cable Works"

Dumating ang taong 1937 kung saan hinirang si ginoong Verner Weckman na presidente ng kompanyang "Finnish Cable Works" at kasabay din iyan ng pag reresign ni Gen. Mac Arthur sa US army at pumunta sa Pilipinas upang maging CIC OMAGC at binigyan siya ng ranggong Field Marshall ng Philippine Army.

Lumago ng lumago ang kompanyang "Finnish Cable Works" at ng dumating ang taong 1960 nagsimula silang gumawa ng kaunaunahang electronic's department para sa komunikasyong radyo at telebisyon. Ito rin ang kasabay ng pagkuha ng prankisa ng RPN channel upang magkaroon ng radyo at telebisyon para sa mamamayang Pilipino rito sa ating bansang  Pilipinas. 

Taong 1967 naganap ang merger ng Nokia AB, Finnish Rubber Works at ng Finnish Cable Works at naging Nokia Corporation. Ang kanilang pagsasanib ay maganda ang resulta sa kadahilanan ay unti unti ng nabubuo ang pag gawa ng mobile phone na ating kinagigiliwan ngayon.Maraming ginagawang saliksik ang mga bumubuo ng Nokia Corporation para lamang makagawa ng isang idea na cellphone.

1979 ang taong kasabay ng aking pagsilang ay ang panahon kung saan ang kompanyang Mobira OY ay nakipagsanib sa Nokia Corporation para mabuo ang unang cellphone na gawa ng Nokia. Ito ay inilunsad ng taong 1981na kung tawagin ay Nordik Mobile Telephone (NMT). Sa paglipas ng panahon ay lumabas na ang mga iba't ibang uri ng mobile handset na gawa ng Nokia. Ipinagmamalaki ng kompanyang NOKIA na sila ang unang gumawa ng digital handset na kagaya ng TDMA, PCN, Japan Digital at ang kilala na GSM.

Itinalaga si Ginoong Jorma Ollila na maging CEO at Presidente ng kompanya na ang layunin ay palawakin ang GSM at sa kanyang pamamahala naging perpekto ang mga sumunod na taon ng NOKIA at ito ay naging matagumpay sa larangan ng komunikasyon. 

Ang 5110 model ang kaunaunahang nahawakan kong mobile phone ng taong 1998 ito ang gamit ko ng ako'y working student pa lamang. Sobrang ingat na ingat pa ako sa mobile ko na ito dahil first time ko pa gamitin ang cellphone na yun. Naalala ko pa noon na ito ang pinaka matibay na cellphone na nahawak ko noon at ito rin ang pinaka matagal na gamit ko. Nakakalungkot sapagkat ang iniingatan kong 5110 ay naagaw ng walang hiyang magnanakaw. Ang pagkawala ng aking 5110 ay aking pinanghihinayangan dahil sa halos 5 taon kong ito gamit pang komunikasyon. Ito rin ang nagsilbing komunikasyon ko sa aking minamahal habang kami pa lamang ay magkasintahan maraming bagay akong naaalala kapag nakakakita ako ng 5110 model dahil parehas naming gamit ito.

Taong 2001 nang lumabas sa Pilipinas ang model na 3310, Pinapangarap ko na magkaroon ako ng ganyang cellphone dahil patok na patok ito ng panahon na iyon. 2002 ng mawala ang aking 5110 gumawa ako ng paraan para makabili ako ng 3310 at nangyari naman dahil sa aking pagpupursige na maka ipon para magkaroon ako ng panibagong cellphone. Nakakatuwang isipin dahil maraming bagay akong natuklasan sa aking panibagong cellphone dahil dito nagkaroon ako ng napakaraming kaibigan dahil ito ang pinaka madaling gamitin sa lahat.

Para sa akin ang Nokia Cellphone ang isa sa pinaka makasaysayan kong gamit pang komunikasyon dahil ito ang nagbigay sa akin ng daan upang lumawak ang aking komunikasyon sa ibang tao at higit sa lahat ito rin ang pinaka madaling gamitin kumpara sa mga iba't ibang klase ng mobile phone. Kasaysayan ng ating panahon ay kagaya din ng kasaysayan ng Nokia Corporation isang patunay lang na sa bawat panahon na nagtatapos muling napapalitan ang mga disenyo at likha ng mga iba't ibang kompanya na gumagawa ng cellphone ngunit iba pa rin ang orig ika nga nila. Ang nokia ay bahagi na ng ating buhay at panahon kung mayroon man naglalabasang iba't ibang uri ng cellphone wala pa rin tatalo sa gawa ng Finland Nokia.


Maraming salamat po! Mula dito sa bansang Qatar nagbabahagi ng aking karanasan tungkol sa Nokia.  







Monday, June 20, 2011

Mabigat na Pasan (BIGRock)

Isang napakagandang umaga noon habang ako'y papunta sa isa kong kliyente sa Doha, May nakilala akong kababayan natin na naghahanap ng trabaho. Isa siyang padre de pamilya na lumakbay dito sa Doha, Qatar sa tulong ng isang kaibigan bagamat sa itsura niya na halos mag 48 na ata hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa na muling makahanap ng trabaho dito sa gitnang silangan. 

      Habang kausap ko siya dahil sabay kami na nasa elevetor tinanong niya ako kung saan ako nagtatrabaho. Sa Al Jazeera po sabi ko. Pansin ko sa kanyang mukha ang lungkot at pagod na animo'y uhaw na uhaw sa tubig dahil sa sobrang init na nilakbay niya mula sa labas. Habang papaakyat ang elevetor mula sa baba papunta sa aking kliyente tila sinusundan niya ako at animo'y hinihintay niya na makausap ko ang dapat kong kausapin doon. "Sir baka pede mo naman iabot itong biodata ko sa kontak mo dito baka sakali na makuha ako at makapag trabaho ang sabi niya" tila nagmamaka awa na ibigay ko ang kanyang Biodata. "Kuya sige wag ka mag alala ilalapit ko iyan dun sa kakilala ko dito baka sakali na tanggapin ka at makapag trabaho" sabi ko sa kanya. "Salamat Sir sana nga makuha ako" ang banggit niya sa akin. Sa edad kong ito tila nahiya ako dahil malaki ang ibinigay niya respeto sa akin kahit na mas bata ako sa kanya ng mahigit sa 15 taon. 

       Habang ako ay nag iintay ng elevetor pababa sa basement ng kompanyang pinuntahan ko tila yata binigay ng pagkakataon na muli kong makasabay si Manong. "Sir kamusta po naibigay mo ba yung Biodata ko dun sa kontak mo" hay's tila natulala ako at napabuntong hininga dahil nakalimutan ko na ibigay dun sa kontak ko. Sabi ko "Sir pasensya na nakalimutan ko kasi ibigay yung biodata mo dahil nagmamadali siya" ang sabi ko. Bakas sa kanyang muka ang lungkot dahil sa sinabi ko sa kanya.

     Kuya halika sumama ka sa akin isasama kita dun sa isang kakilala ko para naman hindi masayang ang pag aaply mo baka sakali doon may tanggapan ngayong araw. "Sir nakakahiya naman sayo at maiistorbo pa kita" ang banggit niya "Anu kaba maliit na bagay lang po ito at isa pa parehas tayong Pilipino kaya wag kana mahiya sumama kana". Sa totoo lang ako ang nahiya sa kanya dahil hindi ko naibigay ang kanyang biodata dun sa kausap ko kanina.

     Habang kami ay bumabagtas papunta doon sa Al Saad - Doha tila may isang angel na pumasok sa aking sasakyan tumunog ang cellphone niya at may kinausap. "Sir may tumawag sa akin pinapupunta ako dun sa kompanya na pinuntahan ko kanina for interview daw ako bukas ng umaga" Sabi ko "wow ang galing sana po makuha kayo para hindi na kayo mapagod mag apply. "Sana nga kasi malapit na mapaso ang visa ko at wala na akong pera pang renew" ang banggit niya, Sir kain na lang tayo treat kita tingin ko gutom ka sa kakapunta sa mga inaaplayan mo dito sambit ko naman. Naghanap ako ng makakainan para kahit paano ay makabawi ako sa kanya dahil napahiya ako kanina sa kaniya.

      Habang kami ay kumakain tila napunta ang usapan namin tungkol sa kanya. Mahigit sa 10 taon na siya naging OFW at nakarating na siya sa iba't ibang bansa gaya ng Saudi, Oman, at Bahrain. Kinukwento niya sa akin ang hirap na pinagdaan niya sa mga kompanya na pinasukan niya. Kinuwento rin niya sa akin ang kanyang problema tungkol sa kanyang pamilya. Hiwalay pala siya sa asawa at may 5 anak, Kahit napakasakit ang kwento itinuloy pa rin niya sa akin. Sinabi niya sa akin habang nasa abroad pala siya ang asawa naman niya ay may kinakasamang iba na hindi niya alam, "napakasakit naman nun" parang may kumurot tuloy sa puso ko sa nangyari para sa kanya. Hindi ko lubos maisip na sasabihin niya sa akin iyon. Maraming bagay akong natutunan sa mga kwento niya at pangaral habang kami ay nag uusap. May isang bagay lang ako na hindi ko makakalimutan sa kanya "Sir wag mong kakalimutan ang tumawag sa kanya dahil siya lang tunay mong magiging sandalan kapag nabigo ka sa iyong buhay" tila yata makadiyos pa ang dating niya kaya naman natuwa ako sa isang araw na nakilala ko ang taong ito.

      Sabi nga nila "Sa iyo magsisimula ang magandang buhay at hindi sa ibang tao, Ang bawat Mabigat na Pasan na nasa iyong dibdib ay magiging maayos kung maayos din ang pangaral mo sa iyong pamilya" hindi natin maikakaila na ang pagpupursige natin sa ibang bansa ay may mga kapalit na mabigat na pasanin na dumarating sa ating buhay. Kung mahina ang iyong kalooban marahil hindi mo kayang makipagsapalaran sa magulong mundo ng BuhayOFW. Ang magandang kinabukasan ay nasa iyong mga kamay kaya wag mong sayangin ang mga pagkakataon na ikaw ay binibiyayaan ng magandang kapalaran.









Iboto po ninyo ang aking "Watawat ng Paliparan" para sa 2011 PEBA awards
1. Like PEBA PAGE:    http://www.facebook.com/PEBAWARDS
2. Like PEBA FB PHOTO: http://www.facebook.com/photo.php?
3. Bisitahin po ninyo ang site: http://www.pinoyblogawards.com/
Iboto po ninyo ang BuhayOFW in number 3
4. Like FB Button, Bisitahin at basahin po ninyo ang aking entry: http://buhayofw2010-2015.blogspot.com/2011/05/watawat-sa-paliparan.html
5. Mag iwan po ng konting mensahe para po sa akin.

Maraming salamat po sa inyong suporta.......

Thursday, June 9, 2011

Araw ng Kalayaan (OFW Version)


         Ang KALAYAAN ng Pilipinas ay nakamit natin mula sa mga magigiting nating kababayan (Bayani) upang maging malaya tayo sa mga dayuhang sumakop sa atin. Karamihan sa kanila ay nagbuwis ng kanilang buhay para sa ating inang bayan (Pilipinas). Hindi man natin naabutan ang pangyayaring iyon nakakatak pa rin sa ating mga kasaysayan ang inukit ng mga digmaan.



         Makikita natin ang mga lugar na makasaysayan noon sa pamamagitan ng pagbisita sa mga lugar kung saan naganap ang madugong digmaan gaya ng Battle of Corregidor, Bataan Death March, at Battle of Manila Bay. Ilan lang yan sa mga digmaan kung saan marami sa mga kababayan natin ang nagbuwis ng kanilang buhay para sa ating kalayaan.



              Sa panahon ngayon nakikita mo pa ba ang kalayaan na dati ay halos magpakamatay ang karamihan makamit lang ang inaasam na kalayaan? Nakikita pa ba natin ang mga pagkakaisa at pagtutulungan para labanan ang kahirapan? Ilang milyong manggagawa pinoy (OFW) ang nagtitiis sa malayong lugar para ng ganun ay may maibigay sila sa kanila pamilya? Marami sa mga OFW ang nakakulong sa magulong mundo ng pag aaboard, Ilan sa kanila ay humihingi ng tulong para makalaya sa kanilang kulungan, Nais sana gisingin  ng BuhayOFW ang ating pamahalaan upang bigyan ng aksyon ang mga nakakulong nating kababayan na nasa bingit ng alanganin ngayon sa kanilang mga bansang kinasasadlakan.


              Hindi natin maikakaila na ang tinatawag nating kalayaan ay wala ng saysay dahil sa kahirapan na ating nararanasan, Bagkus ang nakikita natin ang mga mapagsamantalang kababayan natin na imbis na sa kapakanan ng ating mga kababayang OFW ang unahin, ay sarili ang inuuna dahil sa KASAKIMAN. Ang tunay na kalayaan ay hindi natin nakakamit dahil sa mga katulad nilang gahaman sa kapangyarihan. Ako at maging ikaw? bilang isang OFW sa tingin mo nakakamit mo ba ang kalayaan bilang Pilipino dahil sa mga pangyayaring ganyan. Nais sanang ipabatid ng BuhayOFW sa lahat na dapat mag ingat po tayo sa mga ginagawa natin hakbang lalo na kung nasa ibang bansa tayo para maiwasan po natin ang mga pangyayaring hindi natin inaasahan. Ang mga OFW ay bayani ng ating bayan sa panahon ngayon dahil sa mga inaambag nilang dolyares para sa ating ekomoniya. Kaya dapat lang na bigyanng pansin ng ating pamahalaan ang mga sakripisyo at daing ng ilan sa ating mga kasamahan.

Happy Indepence day sa kapwa ko OFW sa lahat ng panig ng Mundo mabuhay po tayo....

Saturday, June 4, 2011

Mayabang Kaba?

Sabi nga nila kahit gaano kahirap ang trabaho ng isang OFW basta sa malinis na paraan makikita mo ang iyong pinaghirapan. Alam naman natin kung gano kahirap ang maging OFW, Hindi bagay dito ang mayabang at mahilig magbuhat ng sariling bangko, Dapat ay marunong kang makibagay sa lahat at hindi mo kailangan mayabang dahil baka mawalan ng gana sayo ang iyong kasama.  Alam naman natin na marami na ang nadapa at tingin ko ayaw mong maging katulad nila subukan mo hanapin ang iyong sarili at gawin mo ang nararapat na paraan para sa ikauunlad ng iyong ginagawa at tingin ko makikita mo ang iyong hinahanap. Kapag reklamo at daing ang lagi mong iniisip at hindi mo pinapalawak ang iyong pag-iisip malamang hanggang diyan ka na lang at wala kang mararating. 

Hanapin mo kung saan ka magiging masaya at iwasan mo ang mga problema na alam mo namang hindi tama, Sa bawat patak ng iyong pawis na lumalabas sa iyong katawan katumbas yan ng libo libong ngiti na hatid ng iyong kasipagan. Kung puro sarap lang iyong iniisip marahil ay hindi ka bagay sa mahirap at magulong mundo ng BuhayOFW.

Ang iyong paghihirap ay siyang magiging daan para matuto ka na harapin ang bawat problema na iyong nararanasan. Ang BuhayOFW ay panukat sa iyong kakayahan lahat ng bagay ay magiging magaan kapag ikaw ay masaya, inspired at alam mo ang iyong trabaho. Mahirap ang madunung-dunungan at baka ikaw mismo ang mapahiya sa iyong kahibangan. Iwasan mo ang maging mayabang dahil hindi yan ang tamang paraan para tumagal ka sa mundo ng BuhayOFW.

Ang bawat natutunan natin sa trabaho ay tayo ang nakikinabang at wala ng iba pa, dahil ang ating pagsisikap na matuto ay siyang magiging dahilan upang maging maganda ang takbo ng ating pagtatrabaho.

Payo lang mga kaibigan wag tayong magmalaki dahil mahirap marating ang mga bagay na gusto nating gawin kapag ganyan ang lagi nating iniisip, Dahil ang sukatan ng pagiging maabilidad sa trabaho ay naririyan lang sa ating paligid. Iwasan natin ang magmalaki dahil ang ugaling yan ay hindi bagay dito sa ibang bansa at baka magaya ka sa mga talunan at looser dito sa abroad. 

Nagpapaalala lang po!

Wednesday, June 1, 2011

Salamat kay PEBA


               Binigyan ng pahintulot na makasali sa PEBA 2011 Blog Award  para makapagbigay ng isang istorya kung paano nga ba ang maging isang OFW. Mula sa pa-contest na pinamagatang "Ako'y Magbabalik, Hatid Ko'y Pagbabago" ang BuhayOFW ay gumawa ng totoong istorya upang maipabatid sa mga kababayan natin kung paano nga ba ang pamumuhay ng mga OFW. Gamit ang mga istoryang galing mismo sa kapwa OFW ang inililimbag at nakakapagbigay ng impormasyon sa lahat.


              Ang pinamagatang "Watawat sa Paliparan" ay naibahagi sa iba't ibang website katulad ng www.gmanews.tv(PinoyAbroad)www.filipinosabroad.com, at naging featured Article sa Fuse.TV hindi natin maikakaila na ang bawat istoryang lumalabas sa artikulo ng BuhayOFW ay pawang katotohanan at totoo istorya na nagaganap bilang OFW. Totoong napaka hirap ang maging isang dayuhan sa ibang bansa dahil hindi mo alam kung kasiyahan ba o kalungkutan ang pwedeng mangyari. Lahat tayo ay may iba't ibang istorya na maaaring mangyari sa atin bilang OFW. Isa kaba sa mga kakampi ng BuhayOFW, suportahan po natin at isulat ang inyong kakaibang kwento upang marami pa sa mga kababayan natin ang maka-alam ng mga tamang gagawin bilang OFW.

 at isulat ninyo ang mga istoryang makakapag bigay impormasyon sa ating mga kababayan bilang isang OFW.