WATAWAT SA PALIPARAN




Nakaka-aaliw talaga pag-masdan ang mga "WATAWAT SA PALIPARAN", sa kanilang pagwagayway ay parang isang kamay na tayo ay kinakawayan at sinasabihang “maligayang pagdating sa lupang tinubuan". Base nga sa awitin ni Ginoong Gary Valenciano na “Babalik ka rin, Babalik ka rin at Babalik-babalik ka rin”. Hahahaha!  Totoo nga naman, hindi ba? Ano mang layo ang marating nating mga OFW, hilaga man o kanluran? Maging sa silangan o sa katimugan? Saan man tayo lupalop mapadpad sa bayan natin, tayo ay muling babalik at sasariwain natin ang buhay bilang isang Pilipino. Walang kasing sarap ang mamuhay sa Pilipinas, ang kasiyahan at ang kalayaan natin bilang isang Pilipino ay tanging sa Pilipinas lang natin nararanasan. Ika nga nila, There’s no Place like Philippines. Kung sa bagay, totoo naman ito. Alam ko na ganito rin ang nararanasan mo bilang isang OFW.

            Maaga akong naulila sa aking mga magulang, nakakalungkot isipin na wala akong nagawa noong nabubuhay pa sila para sila ay matulungan at maipagamot. Sa kakaunti na kinikita ko sa Pilipinas noon, hindi ko magawa ang pagtulong na dapat sana ay naibigay ko sa aking mga mahal na magulang. Pero syempre, huli na ang lahat upang ako ay mag sisi. Marahil isa ito sa mga dahilan kung bakit narito ako ngayon sa ibang bansa at nakikipag sapalaran. Hindi ako ipinaganak na mayaman pero namuhay ako na puno ng lakas ng loob upang makipag sapalaran at lumaban sa tamang paraan. Sa determinasyon ko na matututo sa aking trabaho noong ako’y isa pa lamang na ahente sa isang Advertising and Printing Services sa Pilipinas ay pilit kong inaalam kung papaano ang makipag salamuha sa iba’t ibang klase ng tao. Pinag aralan ko din ang Software na dapat kong malaman sa Advertising at hindi naman ako nabigo dahil sa pagpupursige ko na matuto. Ang pagsisikap ko ang naging tulay ko para makarating ako sa gitnang silangan(Qatar). Pagtitiwala sa ating Poong May-kapal ang isa sa mga naging lakas ko upang matupad ang aking mga pangarap. Sa ngayon ay isa na akong pamilyadong tao na ginantimpalaan ni Ama ng dalawang nag-gagandahang mga anak. Sadya yata na mapag biro ang tadhana, sapagkat sa hindi inaaasahang pagkakataon ako ay nagkaroon ng   anak na kung tawagin ay “Special Child” bagamat masakit para sa akin ang lumisan sa piling ng aking asawa at mga anak, kailangan kong tiisin ang hirap at lungkot bilang Ama ng tahanan at yan ang dahilan kung bakit ako nakikipag sapalaran sa Gitnang Silangan (QATAR), Para maibigay sa kanila ang kanilang pangangailangan. Masaya ang feeling kapag nakikita natin na maayos ang ating pamilya.

            Hindi madali ang mamuhay sa ibang bansa, ang makisama sa ibang lahi, makipag usap o maging ang maki-bagay. Lahat ng pwede mong gawin na pakikisama ay gagawin mo upang ikaw ay tumagal sa pakikipag sapalaran. Kailangan mong sumunod sa agos ng buhay at harapin ang lahat ng mga pagsubok. Ganoon pa man mapalad pa rin ako, sapagkat sa aking pag punta dito sa Bansang Qatar maraming bagay akong natutunan at na-improve sa aking sarili. Natutunan ko kung paano tumulong sa mga tao na hindi mo kailangan maglabas ng pera. Sa simpleng pagsusulat at pagbibigay ng impormasyon sa kanila ay malaking tulong na para magkaroon sila ng idea kung paano mamuhay ang isang OFW at kaya ko nabuo ang sulating BuhayOFW.  Mas lalong lumakas ang loob ko na humarap sa mga tao, mas higit na nadagdagan ang kaalaman ko sa trabaho na aking kinahihiligan at higit sa lahat mas lalong tumibay ang pananampalataya ko sa ating Amang nasa Langit na naging sandata ko sa pakikipag sapalaran sa ibang bansa.

            Lahat ng nangyayari sa akin dito sa Bansang Qatar ay ipina-uubaya ko sa ating Diyos Ama na Lumikha sa atin. Marahil yun ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay nakakaraos ako dito. Ang sabi nga ng mga matatanda “Nasa Diyos ang awa nasa tao ang gawa”. Nagtratrabaho ako ngunit ipina panalangin ko ang lahat sa Kanya dahil alam ko na ang lahat ng ito ay Kanyang kaloob. Kaya ang isang ginawa kong Panalangin ng mga OFW ay isang pagtulong sa mga Kababayan nating nawawalan ng pag asa. Nababatid ko na ang lahat ng aking pag titiis at pangugulila sa aking mga mahal na anak at asawa ay may hangganan dahil sa lahat ng mga pagsubok na ito ay may isang liwanag na naghihintay. At sa aking pagbabalik sa bansang Pilipinas na matagal ko ng hinihintay ay talaga namang aking pinaghahandaan. Marahil sabik na ang aking pamilya na muli nilang makita ang aking itsura at pagmamahal. Nais kong hilahin ang mga araw upang ako’y makauwi na sa bansang aking sinilangan(Pilipinas). Mga laruan at mga gamit na mahahalaga ay nakahanda na, upang ipasalubong sa kanila. Nakakatuwa talaga ang nangyari sa akin sa labas ng bansa dahil sa loob lamang ng isang taon maraming bagay akong naipon at ang pinaka magandang nagawa ko ay ang pagkakabili ko ng isang lote sa Taguig, Maynila na maari kong simulan ng aking isang maliit na negosyo. Sa kaunting sipag at tiyaga nagkaroon ako ng kaunting nilaga na maaari kong pag-simulan ng isang magandang kinabukasan. Nais kong ibahagi sa inyo ang aking karanasan at pagsusumikap para maisip din ng bawat isa sa atin na ang pag aabroad ay hindi lamang isang laro kundi isang mabigat na pagsubok sa kakayahan ng tao. Ito ang BuhayOFW at kailangan natin pag isipan ang bawat ginagawa natin dito sa abroad dahil narito tayo para magkaroon ng magandang kinabukasan dahil hindi natin hangad ang mamuhay na malayo sa ating mga minamahal. Alam ko naman na parehas lang tayo ng nararamdaman, Gusto natin lagi kasama ang ating mga anak at asawa  sa bawat yugto ng ating buhay. Nais nating maging bahagi sa bawat pagtanggap ng kanilang medalya at diploma sa bawat pagtatapos sa eskwelahan.

            Kailanman hindi mawawala ang aking pagtitiwala sa bansang Pilipinas. Bagamat ako ay ipinanganak na mahirap at salat sa kayamanan hindi ito naging hadlang upang ako ay magsikap sa aking buhay. Walang kasing sarap mabuhay sa piling ng mga mahal natin, kung sakaling tayo man na mga OFW ay nalulungkot ngayon hindi dapat tayo magpapatalo sa damdaming ito. Ang sabi nga ng mga matatanda “Kung walang tiyaga, walang nilaga”.  Lagi nating iisipin na ang bawat paghihirap natin sa ibang bansa ay may kapalit na ginhawa pagkatapos nito. Hindi tayo dapat papadaig sa anomang Tukso o pagsubok na ating mararanasan. Kailangan nating magsumikap para tayo ay magtagumpay. Sa muli nating pagbabalik sa bansang Pilipinas marahil malaking tulong ito sa ating pamilya at maging sa ating ekonomiya dahil ang bahagi mo bilang isang OFW ay isang kabayanihan sa ating bansang Pilipinas. Wag mong kakalimutan na bisitahin ang ating mahal na bansa kung sakaling ikaw ay matatag na ang iyong trabaho sa ibang bansa. Dahil ang isang pagbisita mo ay katumbas ng pagmamalasakit mo sa ating bansa at karagdagang dolyares sa kaban ng ating bayan. At sa pag-uwi natin ang mga wagayway ng mga "WATAWAT SA PALIPARAN" ay masasabayan natin at sasabihin natin ng buong puso na, ako ay magiting na Pilipino.! Mabuhay po ang lahat ng OFW sa lahat ng panig ng mundo. God Bless and more power to all……..