Monday, June 20, 2011

Mabigat na Pasan (BIGRock)

Isang napakagandang umaga noon habang ako'y papunta sa isa kong kliyente sa Doha, May nakilala akong kababayan natin na naghahanap ng trabaho. Isa siyang padre de pamilya na lumakbay dito sa Doha, Qatar sa tulong ng isang kaibigan bagamat sa itsura niya na halos mag 48 na ata hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa na muling makahanap ng trabaho dito sa gitnang silangan. 

      Habang kausap ko siya dahil sabay kami na nasa elevetor tinanong niya ako kung saan ako nagtatrabaho. Sa Al Jazeera po sabi ko. Pansin ko sa kanyang mukha ang lungkot at pagod na animo'y uhaw na uhaw sa tubig dahil sa sobrang init na nilakbay niya mula sa labas. Habang papaakyat ang elevetor mula sa baba papunta sa aking kliyente tila sinusundan niya ako at animo'y hinihintay niya na makausap ko ang dapat kong kausapin doon. "Sir baka pede mo naman iabot itong biodata ko sa kontak mo dito baka sakali na makuha ako at makapag trabaho ang sabi niya" tila nagmamaka awa na ibigay ko ang kanyang Biodata. "Kuya sige wag ka mag alala ilalapit ko iyan dun sa kakilala ko dito baka sakali na tanggapin ka at makapag trabaho" sabi ko sa kanya. "Salamat Sir sana nga makuha ako" ang banggit niya sa akin. Sa edad kong ito tila nahiya ako dahil malaki ang ibinigay niya respeto sa akin kahit na mas bata ako sa kanya ng mahigit sa 15 taon. 

       Habang ako ay nag iintay ng elevetor pababa sa basement ng kompanyang pinuntahan ko tila yata binigay ng pagkakataon na muli kong makasabay si Manong. "Sir kamusta po naibigay mo ba yung Biodata ko dun sa kontak mo" hay's tila natulala ako at napabuntong hininga dahil nakalimutan ko na ibigay dun sa kontak ko. Sabi ko "Sir pasensya na nakalimutan ko kasi ibigay yung biodata mo dahil nagmamadali siya" ang sabi ko. Bakas sa kanyang muka ang lungkot dahil sa sinabi ko sa kanya.

     Kuya halika sumama ka sa akin isasama kita dun sa isang kakilala ko para naman hindi masayang ang pag aaply mo baka sakali doon may tanggapan ngayong araw. "Sir nakakahiya naman sayo at maiistorbo pa kita" ang banggit niya "Anu kaba maliit na bagay lang po ito at isa pa parehas tayong Pilipino kaya wag kana mahiya sumama kana". Sa totoo lang ako ang nahiya sa kanya dahil hindi ko naibigay ang kanyang biodata dun sa kausap ko kanina.

     Habang kami ay bumabagtas papunta doon sa Al Saad - Doha tila may isang angel na pumasok sa aking sasakyan tumunog ang cellphone niya at may kinausap. "Sir may tumawag sa akin pinapupunta ako dun sa kompanya na pinuntahan ko kanina for interview daw ako bukas ng umaga" Sabi ko "wow ang galing sana po makuha kayo para hindi na kayo mapagod mag apply. "Sana nga kasi malapit na mapaso ang visa ko at wala na akong pera pang renew" ang banggit niya, Sir kain na lang tayo treat kita tingin ko gutom ka sa kakapunta sa mga inaaplayan mo dito sambit ko naman. Naghanap ako ng makakainan para kahit paano ay makabawi ako sa kanya dahil napahiya ako kanina sa kaniya.

      Habang kami ay kumakain tila napunta ang usapan namin tungkol sa kanya. Mahigit sa 10 taon na siya naging OFW at nakarating na siya sa iba't ibang bansa gaya ng Saudi, Oman, at Bahrain. Kinukwento niya sa akin ang hirap na pinagdaan niya sa mga kompanya na pinasukan niya. Kinuwento rin niya sa akin ang kanyang problema tungkol sa kanyang pamilya. Hiwalay pala siya sa asawa at may 5 anak, Kahit napakasakit ang kwento itinuloy pa rin niya sa akin. Sinabi niya sa akin habang nasa abroad pala siya ang asawa naman niya ay may kinakasamang iba na hindi niya alam, "napakasakit naman nun" parang may kumurot tuloy sa puso ko sa nangyari para sa kanya. Hindi ko lubos maisip na sasabihin niya sa akin iyon. Maraming bagay akong natutunan sa mga kwento niya at pangaral habang kami ay nag uusap. May isang bagay lang ako na hindi ko makakalimutan sa kanya "Sir wag mong kakalimutan ang tumawag sa kanya dahil siya lang tunay mong magiging sandalan kapag nabigo ka sa iyong buhay" tila yata makadiyos pa ang dating niya kaya naman natuwa ako sa isang araw na nakilala ko ang taong ito.

      Sabi nga nila "Sa iyo magsisimula ang magandang buhay at hindi sa ibang tao, Ang bawat Mabigat na Pasan na nasa iyong dibdib ay magiging maayos kung maayos din ang pangaral mo sa iyong pamilya" hindi natin maikakaila na ang pagpupursige natin sa ibang bansa ay may mga kapalit na mabigat na pasanin na dumarating sa ating buhay. Kung mahina ang iyong kalooban marahil hindi mo kayang makipagsapalaran sa magulong mundo ng BuhayOFW. Ang magandang kinabukasan ay nasa iyong mga kamay kaya wag mong sayangin ang mga pagkakataon na ikaw ay binibiyayaan ng magandang kapalaran.









Iboto po ninyo ang aking "Watawat ng Paliparan" para sa 2011 PEBA awards
1. Like PEBA PAGE:    http://www.facebook.com/PEBAWARDS
2. Like PEBA FB PHOTO: http://www.facebook.com/photo.php?
3. Bisitahin po ninyo ang site: http://www.pinoyblogawards.com/
Iboto po ninyo ang BuhayOFW in number 3
4. Like FB Button, Bisitahin at basahin po ninyo ang aking entry: http://buhayofw2010-2015.blogspot.com/2011/05/watawat-sa-paliparan.html
5. Mag iwan po ng konting mensahe para po sa akin.

Maraming salamat po sa inyong suporta.......

No comments:

Post a Comment

Mag-iwan ng konting mensahe para kay BuhayOFW