Monday, July 25, 2011

BuhayOFW Anibersaryo


July 26, 2011 - Sa pagsapit ng ating anibersaryo para sa sulating BuhayOFW dito sa ibang bansa na sinundan at tinangkilik ng mahigit sa 17,000 katao upang alamin kung paano ba talaga ang buhay ng mga OFW sa ibang bansa. Marami ang nagbigay ng kanilang mensahe upang suportahan at tangkilikin ang ating sulatin BuhayOFW.

Karamihan sa mga taong nakakasalamuha ng inyong lingkod ay pawang maliit at baguhang OFW. Nakilala at nakausap kung paano ba mamuhay ang isang baguhang OFW. Alam naman natin na napakahirap ang maging isang OFW at iyan ang pilit inaalam ng inyong lingkod. Sa aking paglalakbay at pakikipag kaibigan sa ibang bansa marami akong natutunan kung paano ba nakatatagal at makipag salamuha sa ibang tao. Maraming hindi makakalimutang sandali ang dumaan sa akin, mga pagsubok at homesick na palaging andiyan sa tuwing naaalala natin ang ating mga mahal sa buhay. Ilan lang yan sa mga pagsubok na dinadanas ng isang OFW.

Sa pagsapit ng ika isang taong anibersaryo sa darating na Hulyo 26, 2011 ng sulating BuhayOFW Maraming nakakatuwang pangyayari ang naganap sapagkat nakarating ito sa mahigit sa 74 bansa na hindi ko lubos akalain na magagawa ko pala na maipahayag sa ibang tao ang aking karansan. Ang mga sulating nagawa ng inyong lingkod sa pamamagitan ng blogging ay tinangkilik at minahal ng publiko. Maraming papuri at sintemento ang natanggap lalo na sa mga taong totoong nararanasan nila ang hirap na maging isang OFW. Naisama sa GMA7 Pinoy Abroad website ng 3 beses at ngayon ay nasa sulating Focus in the Middle East ng Abante Middle East Edition.

Dahil sa pagtitiwala ng ilang tao mula ngayon at hangga't andito ang inyong lingkod sa ibang bansa ay hindi ko ipagwawalang bahala at katatamaran ang mag bigay sa inyo ng konting kaalaman kung anu-ano ba ang mga dapat gawin ng bawat Pilipino na sumubok makipagsapalaran sa ibang bayan. Maraming tulong ang nagawa sa kabila ng kakapusan sa pondo subalit hindi pa rin nawawalan ng pag asa para maihatid sa ating mga kababayan ang konting impormasyon na kailangang makarating sa kanila upang kahit paano ay maipabatid sa lahat ang nagagawa ng isang OFW.

Kung mayroon po kayong nais ipabatid sa sulating BuhayOFW ay malugod ko kayong inaanyayahan na sumulat sa angbuhayOFW@gmail.com at aking pong ilalathala sa pamamagitan ng ating sulating BuhayOFW.

Maraming salamat po sa inyong suporta at pagtitiwala hanggang sa muling pagsusulat ng BuhayOFW

Thursday, July 21, 2011

Maraming Salamat Vice Ganda, Ruffa Mae, at Jon avila





Doha, Qatar - Ang kasiyahang naganap noong nakaraang biyernes July 15, 2011 ay nasaksihan ng inyong lingkod sa Sheraton Doha. Kasama ang ilang mga kaibigan nakigulo at nakisaya ang BuhayOFW kasama ang mahigit sa 10,000 katao na sabik na sabik na masilayan ang mga artistang sina Vice Ganda, Ruffa Mae Quinto at Jon Avila.




Nagpapasalamat ang napakaraming pinoy na dumalo sa Golden Relations ni CEO Bilal Taha sapagkat walang sawa siyang nagpapadala ng mga sikat na artisita mula pa sa Pilpinas upang pansamantalang alisin ang lungkot bilang BuhayOFW dito sa gitnang silangan Qatar.



Ayon nga sa isang nakausap ko na Pilipina na si Pilar Grace Cruz ng Beat and bytes dancer ang ganitong mga pagtatanghal ay nakakapag alis ng homesick at lungkot sa mga tulad namin OFW. Minsan lang naman at sulit ang aming napanood ika nga niya. Karamihan sa kanila ay hindi mapigilan ang pag halakhak at tawa dahil sa mga kakaibang pagpapatawa at pagpapakilig sa mga taong dumalo sa nasabing palabas.


Sana sa susunod na proyekto ng Golden Relations makasama ulit ang inyong lingkod sa mga ganitong aktibidad na ikinasisiya ng mga BuhayOFW. Kung inyo po sanang mamarapatin ay magkaroon po sana isang bayanihang bahaging halaga na tulong para sa mga kababayan naming may mga problema at kailangan ng konting donasyon. Ang ganitong mga paraan ay siguradong lalopa pong susuportahan at tatangkilin ng maraming Pilipino na sumusuporta sa inyo dito sa Qatar. Umaasa po ang inyong lingkod BuhayOFW na hindi po ninyo ipagkakait ang pagtulong sa kapwa lalo na sa mga Pilipinong BuhayOFW na nasa mabigat na problema.

CCA Group

Kung may nais po kayong ibahaging karanasan sumulat lang po sa angbuhayofw@gmail.com

Maraming salamat po kay Mell Inosanto sa mga kuha larawan

Monday, July 18, 2011

Ang Pakikipag kaibigan sa ibang Bayan

Mula ng ako ay umalis ng bansa at sandaling iwan ang aking mga mahal sa buhay tila yata nabawasan ako ng isa sa mga tunay kong kaibigan at kasangga. Sa unang pagsabak ko pa lamang sa bansang aking pinuntahan tila yata mailap at nangangapa ako kung sino at paano ako makakahanap ng mga tunay na kaibigan.

Sa unang araw at buwan na lumipas simula ng dumating ako sa bansang aking pinuntahan ay naging masaya ako kahit puno ng lungkot at homesick ang aking nararanasan dahil sa marami agad akong naging kaibigan. Hindi ko makakalimutan sa lahat kahit na iba ang aking kompanyang pinapasukan ay tinanggap pa rin ako ng mga kasamahan kong pilipino sa kanilang akomodasyon. Tinulungan nila ako kung paano mamuhay ang isang baguhang OFW. Sa kanilang pagtulong tila yata nakalimutan ko ang minsang dumating na pagsubok sa akin bilang OFW.

Sa paglipas ng mga panahon at taon na namalagi ako sa labas ng bansa marami akong natutunan patungkol kung paano ba makipagkaibigan sa kapwa. Alam kong hindi ako perpektong tao sa larangan ng pakikipag kaibigan, Nakakagawa rin ng mga mali kung minsan pero buo pa rin ang suporta ko sa bawat kaibigan na aking sinasamahan. Mahirap mamuhay sa ibang bayan kapag wala kang mga kaibigan dahil sila lang ang magiging dahilan para hindi ka malungkot at ma homesick sa panahon na nakikipag laban ka sa magulong mundo ng BuhayOFW.

Sa bawat panahon na lumipas at habang ako'y nakikipagbuno sa magulong mundo ng BuhayOFW may mga bagay akong nais malaman tungkol sa pakikipag kaibigan, Iba't ibang klase ugali na nakahilera sa atin kung paano ba ang makipagkaibigan.

Mga klase ng pakikipagkaibigan

Mga pangit na kaibigan
  • Plastik na kaibigan - ito ang mga taong habang nakatalikod ka kung anu ano ang mga sinasabi tungkol sayo. Ito rin ang mga taong pinaka mahirap kaibiganin sa lahat dahil dito mo makikita ang isang ugali ng tao.

  • Manggagamit na kaibigan - ito ang mga taong ginagamit ka lang kapag may kailangan sayo.
  • Traydor na kaibigan -  ito ang mga taong akala mo ay mabait sayo pero siya pala ang magiging dahilan sa ikakabasak mo. ito rin ang taong mahirap pakisamahan dahil akala mo mabait yun pala magiging traydor sa iyo.

  • Sulsol na kaibigan - ito ang mga taong mahilig manukso na gawin mo ang mga bagay na hindi mo naman talaga dapat gagawin. ito rin ang dahilan kung bakit nasisira ang pagiging magkaibigan.
Mga tunay na kaibigan
  • Best Friend - ito ang pinaka the best mong kasama kahit saan ka man mapunta maging sa mga pagsubok na nangyari sayo hindi hindi ka niya iiwan kahit na anu man ang mangyari.
  • Childhood Friend - mula pa sa pagkabata ay kasama mo na ang kaibigan mong ito at ito rin mismo ang kasama mo sa lahat ng kalokohan at maging sa katinuan na mula pa sa pagkabata.
  • Pamilya - marahil ay nagtatanong kayo kung bakit isinama ko ang pamilya sa kategorya ng kaibigan. Dahil sila lamang ang mga tunay at tapat nating kaibigan kahit anung mangyari sa ating buhay sila pa rin ang nagsisilbing gabay at walang sawang tuutulong sa bawat panahon na tayo ay nakikipagsapalaran.
Hindi natin makakaila na sa bawat segundo, minuto at oras na namamalagi tayo sa ibabaw ng mundo ay may mga tao tayong nakakasalamuha at nakakasama. Hindi natin alam kung hanggang saan at kailan natin magiging kaibigan ang mga taong nasa paligid natin dahil kahit sa isang idlap lang maaaring magbago ang lahat. Matuto tayo kung paano makipag kaibigan sa kapwa dahil iyan ang magiging susi ng lahat para mahanap natin kung sino ba talaga ang dapat at tunay nating masasamahan. 

Sa bawat panahon na namamalagi ako sa labas ng bansa pilit kong ginagawa kung anu ang mabuti para magawa ko ng maayos ang aking buhay dito sa ibang bayan. Umaaasa ako na balang araw dumating sa akin ang mga taong tutulong at magbibigay sa akin ng lakas upang labanan ko ang hamon ng pakikipagkaibigan sa ibang bansa. Hindi ako pekpekto ngunit pinipilit ko na maging isang tunay na kaibigan sa inyo.

Salamat sa bawat panahon na nakasama ko kayo kahit minsan ay nagroon tayo ng hindi pagkakaunawaan sa mga maliliit na bagay na tayo mismo ang nagsimula. Umaaasa ako na magiging maayos at maganda ang ating samahan kahit pa mayroon man tayong hidwaan sa isa't isa dahil sa mga maling paratang. Sa lahat ng mga naging kaibigan at kasama ko simula ng ako'y nakipagsapalaran sa pagiging OFW nagpapasalamat po ako ng marami. Umaasa ako na hindi pa rin magbabago kung ano ang naging simula natin mula ng tayo'y naging magkakilala dito sa bansang ating pinuntahan.

Mula po sa inyong lingkod - BuhayOFW

Mula sa Author: Alex P. Flores - Doha, Qatar

Sunday, July 10, 2011

Summer FUN DRIVE for a Cause - Tagumpay

Likas talaga sa ating mga Pilipino ang ugaling tumulong sa kapwa, Ang pagtulong sa mga may sakit nating kababayan ang pinagtuunang pansin ng mga grupong mahihilig sa sasakyan at motorsiklo. Ang kanilang hakbang ang siyang naging paraan para makalikom ng pera para tulungan ang mga kapatid nating may mga mabibigat na karamdaman.

Ang grupong UPMMG-Qatar at FilCom ay isang grupo na binubuo ng mga pilipinong mahihilig sa mga sasakyan at motorsiklo. Sila ang nanguna upang maging maayos ang nasabing Summer FUN DRIVE for a Cause para sa 6 nating kababayan na may malubhang sakit dito sa bansa Qatar.

Ang mga kababayan nating sila Alyssa Mamacos-Lymphoma, Rolenia Fordan-Breast Cancer, Dave Salonga-Aplastic Anaemia, Honorio Nicolas-Paraplegic Patient, Yolly Legance-Renal Failure at Regina Grace Nunez-Congenital Heart Disease ang mga kababayan nating tinulungan ng grupo.

Nilahukan ng hindi baba sa mahigit na 80 katao, mahigit sa 50 saksakyan at 15 motorsiklo na karamihan ay mga pilipino upang ipakita ang kanilang kabayanihan para sa Fun Drive at lumikom ng pondo para sa kanilang misyon. Sa paunang paglikom nakabuo sila ng mahigit sa 9,160QRs. na galing mismo sa kanilang ginawang Fun Drive. Marami pa ang nagpaabot ng donasyon para sa nasabing Summer FUN DRIVE for a Cause dahil iba sa kanila ay hindi nakasama.

Hindi man nakarating ang inyong lingkod sa nasabing FUN DRIVE ay buo ang pagsuporta sa inyo ng sulating BuhayOFW dahil sa inyong magandang ginawa. Alam ko na hangad ng inyong grupo na lalo pang makatulong sa mga kababayan nating nangangailangan ng inyong suporta at tulong. Ipagpatuloy po ninyo ang inyong magandang hangarin para po sa pakinabangan ng ating mga Pilipinong OFW. 

Alam natin na maraming iba't ibang grupo hindi lang sa bansang Qatar ang gumagawa ng ganitong pagtulong kapwa. Isa kayo sa mga dapat maging huwaran ng bawat mamayang Pilipino na OFW sa buong mundo.


Ipinagmamalaki po kayong lahat ng inyong lingkod BuhayOFW.

kung may nais po kayo iparating sa BuhayOFW ay mangyari po lamang na isulat sa angbuhayofw@gmail.com

Saturday, July 9, 2011

Hanggang kailan ka magiging OFW Sabi niya?

Isa pong kababayan natin galing pa sa Dubai-UAE ang nagparating ng kanyang mensahe sa atin kung hanggang kailan ba talaga tayo magiging OFW. Sa kanyang mensahe ay talaga namang nakalagay kung paano ba magiging maayos ang buhay ng isang OFW na nagtatrabaho sa ibang bansa. Basahin po ninyo ang liham na mula pa kay Paul Gamboa ng UAE. 

Dear Kabayang OFW,
Good day.

I came across your blog while trying to find out kung papaano maka-reach out sa mga kababayang OFW dito sa Doha.

Like you, I am also an OFW pero based ako sa Dubai. I and our advocacy team in UAE are  also trying to do our small part on how to improve the lives of the OFWs in the Middle East. 

So why am I here in Doha?

For the past three years, I have been advocating in UAE financial literacy for the OFWs and their families. I think we've gathered momentum there now.
I believe it is now time to go beyond UAE.

As workers, Filipinos have always held our heads up high above other nationalities. Wala tayong problem kung pagtratrabaho lang ang pag-uusapan. Da best ika nga.
Pero pagdating sa paghawak at pagpapalago ng pera, zilch tayo. 
Di naman lahat, pero mas nakakarami.. 

Hence pag tinanong mo ang isang Pinoy dito sa Gitnang Silangan, haggang kailan ka magiging OFW?
Malamang sa hindi, hindi alam ang sagot. Hindi alam kung haggang kailan.
Or ang sasabihing pabiro . .. 
Hanggang May na lang . . . hanggang may langis.

But this is a serious question that every one of us must have a definite answer if we are to take charge of our life.
Because the danger is that if we are not sure when, then most OFWs might be included in the statistics that 98% of the senior citizens today are financially struggling.
Only 2% are financially stable. When we relate this to OFWs, nagtrabaho ng 10, 15, 20 years sa gitnang silangan. . . tapos pag uwi, hikahos pa rin ang karamihan.

When probed on the cause of the wide discrepancy, the reason lies on financial planning.
Yung 2% merong financial plan and acted on it. Yung 98%, wala.
People don't plan to fail in life. They fail because they didn't plan.

Bakit walang planong pinansyal ang 98%?
Three reasons given :
1. They don't know how to do financial planning. Or the information they know, mali o di na angkop ngayong panahong ito.
2, No money daw. Kokonti lang naman ang natitira sa sweldo (kung meron man), so ginagastos na lang.
3. Merong alam, merong pera, pero walang disiplina

We've learned that the solutions to the above reasons are simple.
Simple lang. Kailangan lang may magturo at ipakitang madali.
And then, hopefully madali ng masagot ng isang OFW kung hanggang kailan siya magiging OFW.

It is for this reason that I wrote you this email.
I'd like to share with the simple money concepts that will shock you in its simplicity
but dumbfound you with its power and effectiveness.

If you could spare half an hour, lets have coffee in Dairy Queen in front of Ramada Hotel at your convenient time.

Mabuhay ka kabayan.

God bless
Paul Gamboa


Pina unlakan po ng inyong lingkod ang kanyang paanyaya at base sa aking pagsasaliksik mga tanong sa aking isipan kung paano ba ito talaga makakatulong sa ating mga OFW. Kung nais po ninyong malaman ay mangyari po lamang na sumulat sa angbuhayofw@gmail.com at akin po ibibigay ang kontak number at kung paano po ninyo malalaman ang sinasabi niyang paraan. Kung may mga kaibigan po kayong naturuan na po ni Paul Gamboa ay mangyari po lamang na sumulat sa akin at ibigay po ang kanilang naging karanasan sa kanyang mungkahi sa ating mga OFW. Nais ko rin po ipabatid sa inyong lahat na ang BuhayOFW site ay paraan lamang po natin para makapag bigay ng impormasyon sa inyong lahat.


Maraming salamat po!


BuhayOFW

Thursday, July 7, 2011

World 9Ball Championship

Doha, Qatar - Sa aking pamamalagi dito sa Qatar nasaksihan ko ang kagitingan ng mga Pilipino cue artist na lumaban para sa World 9Ball Championship. Si Francisco "Django" Bustamante at Efren "Bata" Reyes ang aking inaabangan sa lahat dahil sila ang mga superstar ng ating bansa. Subalit sa kanilang pagtatangkang laban parehas sila natalo sa kani-kanilang katungali. Si Dennis Orcollo ang tumalo kay Francisco Bustamante sa iskor na 11-6 at si kay Efren Reyes naman sinawi kay Marlon Caneda sa iskor 11-5.


Habang papalapit ang sumusunod na laban tila yata karamihan ay pinoy ang mga naglalaban at sa aking pagsubaybay sina Dennis Orcollo at Ronnie Alcano ang natirang Pilipino na inaabangang ng mga Pilipinong dumayo pa ng Al Saad Stadium upang panoorin ang semi finals hanggang huling laban.

Sa laban nila Dennis " Robocop" Orcollo at Ronnie "The Volcano" Alcano muling pinakita ng mga pilipino sa Doha, Qatar ang suporta sa kanilang dalawa bagama't parehas na Pilipino ang naglalaban walang mapili ang mga kababayan natin sa kanilang dalawa dahil parehas silang magaling. sa huli ang nanaig ng laban ay walang iba kundi si Ronnie "The Volcano" Alcano sa isang makapigil hiningang laban.

Sa kabilang banda ang magiting si Yukio Akakariyama ng Japan at si Mark Gray ng Great Britain ang nasa kabilang lamesa para sa kanilang semi final match. Sa kanilang paglalaban ay hindi rin nagpapahuli sa galing ang dalawa kahit na puno ng puro Pilipino community ang lugar ng staduim. Mga hiyaw at sigaw ng mga nanonood sa tuwing matatapos ang kanilang lamesa.

Sa kanilang laban ang nanaig ay walang iba kundi si Yukio Akakariyama ng Japan sa kanyang magaling at mahusay na panalo. Siya ang makakatapat ng ating pambato na si Ronnie "The Volcano" Alcano.

Sa kanilang laban sa ganap na 7:00 ng gabi tila hindi na magkasya ang upuan dahil sa sobrang dami ng mga Pilipinong sumuporta kay Alcano. Magandang laban ang pinamalas ng dalawa dahil talaga namang binantayan at inantabayan ng mga kababayan nating pinoy ang huling pagtutunggali. Habang sumasapit ang katapusan ng laban tila yata nasusulot ang ating pambato dahil sa husay ng hapon na si Yukio at kahit na karamihan sa manonood ay puro Pilipino hindi siya natinag sa kanyang hangarin na manalo ng titulo.

Sa katapusan ng laban si Yukio Akakariyama ang nagwagi ng World 9Ball Championship dito sa Doha, Qatar at kahit na umuwing luhaan ang mga Pilipinong nanood ng laban ay buong pagmamalaki pa rin naming iwinawagayway ang ating bandila dahil sa ating pagsuporta sa mga kababayan nating sumali sa World 9ball Championship. Ito ang patunay na kahit saan mang sulok ng mundo ay may mga magigiting tayong kababayan na handang lumaban sa kahit anu mang laban.

Mabuhay po ang lahat ng sumuportang kababayan na nagbigay ng kanilang oras para suportahan ang lahat ng mga Pilipino Cue artist ng ating bayan. Mabuhay po tayo at sana palagi po nating suportahan ang lahat ng ating mga kababayan na lumalaban para sa ating karangalan ng ating inang Bayan.


Ang inyong lingkod



Monday, July 4, 2011

Isang araw na kasiyahan ng barkada

Doha, Qatar - Ang kasiyahang naganap nitong nakaraang biyernes Hulyo 01, 2011 ay nasaksihan ng inyong linkod mula ng magsimula ang unang palabas bandang alas kwatro ng hapon. Sa umpisa pa lang nang pagpila mula sa Sheraton Doha and Convention Hotel ay hindi na mapigilan ang pagdagsa ng tao sa nasabing palabas. Dahil dalawa sa mga komedyante ng ating bansa ang dumayo para alisin pansamantala ang kalungkutan ng ating mga kababayang nasa bansang Qatar.

Lahat ng tao na pumunta sa palabas ay excited ang nadarama. Ang kababayan nating nagpunta roon bagama't malayo ang kanilang mga bahay ay dumayo pa para pansamantalang iwan ang kanilang kalungkutan sa kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng palabas na iyon.

Sabi ng isa sa mga nakausap ko roon na pumunta "Brother minsan lang naman tayo tatawa dahil puro na lang trabaho ang ating ginagawa dito sa Qatar, pagbigyan naman natin ang ating sarili para matakasan pansamatala ang homesick" ang kanyang sinabi ay lubhang nakapag antig ng aking damdamin dahil dama rin niya sa kanyang sarili ang lungkot na mawalay sa kanyang mga mahal sa buhay dala ng pagiging OFW.

Nang magsimula ang palabas tili at hiyawan ang bumungad sa amin dahil lahat ay puro excited sa magiging palabas. Inumpisahan ng mga iba't ibang grupo ng mga performer at mananayaw Beat and Bytes Dancer at Singing Group Morena ng Bansang Qatar.

At ng lumabas ang komedyanteng si Kim Idol habang kumakanta ng ilang awitin ay nagsimula ng lumabas sa ating mga kababayan ang kanilang ngiti at halakhak dulot ng pananabik sa nasabing palabas. Mula sa mga nakakatawang banat ni Kim Idol ay talaga namang makikita mo ang pagtawa at halakhak ng ating mga kababayan. Sinundan pa yan ng pag kanta ng inaabangan ng lahat na si K Brosas ay lalong pinatindi pa lalo ang pananabik ng ating mga kababayan dahil sa mga kakaibang salita na lumalabas sa kanyang mga pagpapatawa.

Saksi ang aking mga kaibigan at kasama sa grupo na nanood ng nasabing palabas. Ang kasiyahan na aming nadarama upang kahit minsang iwan namin ang pagkakahomesick sa aming mga mahal sa buhay. Ang grupo na binubuo ng mga magkakaibigan sa Doha "Certified Coffee Addict at I Love Qatar" ay buong saya naming ninamnam kahit sandali oras ay mapawi sa amin ang lungkot.

Salamat na lang at kahit paano ay gumawa ang mga iba't ibang grupo dito sa Qatar ng mga ganitong palabas. Ang mga bumubuo ng IloveQatar.net at ng Golden Promotion na siyang nag organisa ng nasabing event. Dumating din ang mga staff UNTV Doha para masahimpapawid ang nasabing palabas.

Kahit paano sa mga ganitong pagkakataon ay nawawala ang homesick ng bawat isa dahil may mga dumadalw na artista upang pansamantalang pawiin ang lungkot na dala nang pagiging OFW. Masarap maging OFW kung kasama mong naninirahan ang iyong mga pamilya dito sa lupang dayuhan subalit sa gaya ko na malayo sa akin mahal sa buhay ay hirap ang aking kalooban para makasurvive sa pagiging BuhayOFW. Ang minsang takasan ang lungkot na dulot ng homesick ay dito na lamang namin pinapawi. Maraming salamat po sa lahat ng mga bumubuo ng nasabing event at kami buhat sa magkakaibigang mga OFW ay buong galak na sumasaludo sa inyo mga ginawa.



Ang inyong Lingkod