Ako po ay mahigit ng 10 taon ng OFW dito sa bansang Lebanon, namamasukan po akong bilang isang kasambahay sa isang pamilyang arabo. Ang problema ko po kasi ay ganito nagkaroon po kasi ako ng online chatter na mahilig mabiro ng kalokohan tungkol sa lovelife. Minsan nga po ay mas malimit pa kaming mag usap ng aking kachat kaysa sa aking asawa. Naguguluhan na kasi ako dahil sa totoo lang walang trabaho ang aking asawa at naghihintay lang sa aking padala para magamit nila sa panggastos sa araw araw. Nalulungkot lang ako dahil hanggang ngayon ay wala pa kaming ipon. Minsan nga po ay nababalitaan ko pang malimit sa inuman ang aking asawa kaysa sa maghanap ng trabaho.
Alam ng aking kachat ang aking problema kaya ito ang dahilan na mahulog ang loob ko sa kanya. Maraming beses na kaming nag uusap tungkol sa pagkikita namin sa darating kong bakasyon subalit hindi pa ako makapag desisyon sa akin sarili kung papayag ba akong makipagkita sa kanya. Nais ko pong humingi ng payo kung ano po ba ang tama kong gagawin para na rin po maging panatag ang aking kalooban.
Mahal ko ang aking pamilya subalit kung ganito naman ang lagi kong aabutan at malalaman tungkol sa aking asawa ay mabuti pang humuwalay na ako sa kanya dahil wala man lang siyang pangarap sa buhay para sa aming pamilya. Nais ko pong makahingi ng payo mula po sa kapwa nating OFW.
Hanggang dito na lang at maraming salamat po sa inyo.
Rose - Lebanon
-----------------------------------------------------------------------------------------------
Dear Rose,
Isang magandang araw sayo
Unang una maraming salamat sa iyong sulat na totoong napakalaking bagay ito para sa mga kapwa nating OFW. Nakikita ko sa iyong kalooban ang isang mabuting tao sapagkat kahit alam mong walang trabaho ang iyong asawa ay mahal mo siya at maging ang iyong mga anak. Totoong nakakagawa tayo ng mga pagkakamali minsan dahil na rin sa mga pangyayari na katulad ng sa iyo. Subalit hindi iyon ang dahilan para gumawa ka ng isang bagay na alam mong makakasira sa iyong pamilya. Lagi nating tatandaan na ang pakikipagrelasyon sa Internet ay may hangganan at hindi natin alam kung totoo bang seryoso ang ating kausap dito o baka kinukuha lang ang iyong kalooban para ikaw ay paglaruan.
Ang isang magandang gawin mo ay kausapin mo ang iyong asawa tungkol sa iyong plano sa buhay at ilahad mo sa kanya ang iyong nasa saloobin. Sa totoo lang maraming tukso talaga ang nangyayari sa ngayon subalit kung mahina ka ay magagawa mo ang isang pagkakasala na kailanman ay pagsisihan mo sa bandang huli.
Sa isang pamilya palaging may problema kaya hindi natin kailangang gawin ang isang bagay na magsisisi ka dahil hindi mo muna kinausap ang iyong kabiyak o maging aiyong mga anak. Walang masama kung sasabihin mo kanila ang iyong sitwasyon dahil ikaw ang nagtatrabaho sa inyo at nagbibigay ng pang gastos sa araw araw. Ito ay upang mag isip ang iyong asawa na maghanap ng pagkakakitaan upang makatulong sa inyo.
Kailangan din ay alamin mo kung talaga bang walang ginagawa ang iyong asawa. Tandaan natin na mas mahirap magbantay ng mga anak at mangalaga sa kanila. Kung nakikita mo naman na napapalaki ng iyong asawa ang mga anak ninyo ay matuwa ka dahil sa panahon ngayon ay mahirap na nating kontrolin ang mga anak natin dahil sa daming kalayawan sa mundo at nagbabago na ang pag uugali nila. Wag mong masyado sisihin ang iyong asawa sa mga maliliit na bagay bagkus ay suportahan mo siya kung may mga bagay siyang gustong gawin na makakabuti para sa inyong pamilya.
Sa pagbakasyon mong muli sa Pilipinas ay subukan mong sabihin lahat ng iyong paghihirap sa abroad at siguradong mas lalo kang mamahalin ng iyong mga anak at asawa. Ipaintindi mo sa kanila na hindi natin pinupulot ang pera sa abroad ito ay pinaghihirapan natin kahit na maliit lang ang ating kinikita dito.
Salamat sa iyong sulat at marami sa ating mga kaBuhayOFW ang nakakarelate sa iyong sitwasyon.
mag- iingat ka palagi sa iyong paglalakbay diyan sa iyong trabaho.
Ang iyong kaibigan,
BuhayOFW
Hi, Nice site thanks for sharing. Would it be okay to contact you through your email? Please email me back.
ReplyDeleteThanks!
Randy
randydavis387 gmail.com
Angbuhayofw@gmail.com po ang contact details ng BuhayOFW site
Delete