Date: November 15, 2014
Open Letter to the Vice President of the Philippines
Sir,
Magandang Gabi
Mawalang galang na po sa inyo, Isa po ako sa milyong OFW na sumusubaysbay sa balita patungkol sa inyo. Hindi ko po lubos maisip kung bakit panay ang punta ninyo sa mga iba't ibang aktibidad kaysa sa ipaliwanag po muna ang mga akusasyon na pinupukol ng inyong mga kalaban. Hindi po siguro ninyo kayang humarap at matanggap na marami sa inyo ang nagagalit dahil sa mga binibintang na paratang. kaya kaming mga tagamasid ay nalilito kung totoo po ba ang mga balita.
Hindi lang kasi namin alam kung bakit maging ang iyong bise alkalde na si Ginoong Mercado ay galit sa inyo. Hindi naman po siguro magsasalita ang isa sa mapagkakatiwalaan ninyong alipores kung hindi naman po totoo ang kanyang mga sinasabi. Siguro po nagkaroon kayo ng malaking problema kaya kayo kinakalaban. Marami na po kasing reklamo sa inyo at maging sa inyong pamilya dahil sa mga ibat't ibang katiwalian patungkol po sa Makati. Kaya sana po gumawa po kayo ng paraan para maituwid ang mga paratang.
Sa totoo lang po marami pa rin ang naniniwala sa inyo subalit kung patuloy kayong magmamatigas na hindi humarap sa mga pandinig at maging sa paghahamon ninyo ng debate kay Senator Trillanes siguro ay hindi na kayo karapat dapat tumakbo bilang presidente ng bansa. Ito lang ay sa aking pananaw lamang dahil dito pa lang ay hindi na po ninyo kayang manindigan sa inyong mga sinabi. Isa na po ako sa nawawalan ng tiwala sa inyong pamamalakad sa gobyerno.
Gayumpanan alam naming lahat na maraming kayong nagawa sa Makati. Marami kayong natulungan tao na puro taga makati lang po ang nakinabang dahil doon naman po kayo nanilbihan bilang pinakamahabang mayor ng lungsod. Sa totoo lang po dati na pong mayaman ang lungsod ng Makati dahil sa mga kumpanya na nagbabayad ng TAX doon. Kaya nga po marami kayong pondo para sa mga proyekto ng mamamayan sa Makati. Alam naman po ng buong bansa ang mga proyekto ng lungsod ng Makati, libreng ang gamit sa mga kabataang nag aaral sa mga pampublikong paaralan, may mga scholarship program, feeding program, libreng gamutan at marami pang iba.
Ang tanong po namin sa inyo ngayon ay kung bakit takot kayong humarap sa Senado o maging sa isang forum na ito naman ang magiging dahilan ng paglinis ng inyong pangalan. Alam naman po namin na kung wala po kayong itinatago ay madali po kayong makakapag paliwanag sa mga akusasyon sa inyo. Isang tanong at isang sagot lamang po naman iyon. Kung may tanong ay mayroon naman pong kasagutan tama po ba iyon. Sa dami ng mga alegasyon na lumilitaw mas marami na po ang nahahalukay na tungkol sa inyong kasiraan.
Sana makaabot sa inyo ang isang sulat na ito at maging daan upang malaman ang buong katotohanan sa likod ng mga korapsyon issue na ipinupukol sa inyo.
Maraming salamat po!
BuhayOFW
No comments:
Post a Comment
Mag-iwan ng konting mensahe para kay BuhayOFW