Friday, October 19, 2012

Pakistani Friend on the Road - OFW Story


Doha - Qatar
BuhayOFW Story

Marami sa ating mga Pinoy OFW ang takot sa mga Pakistani dahil ang pagkakaalam ng ilan sa atin, ang mga Pakistani ay barubal kung magsalita at mahirap kausap dahil arabic or hindi speaking sila. Ang isa pa sa nakikita ko ay takot tayo sa kanila dahil sa kanilang itsura, pananamit at pananalita.

Maraming mababait na Pakistani din naman nadadala lang siguro tayo sa sabi ng ibang tao dahil hindi naman natin kilala sila ng lubusan. Ang ilan sa mga kaibigan ko dito sa Qatar ay magaganda ang  posisyon at karamihan sa kanila ay talagang ka close ko. May kaibigan akong Pakistani na top manager ng isang kumpanya dito Qatar isa siya sa tinuturing kong kaibigan at kasangga ko dito dahil marami siyang itinuro sa akin tungkol sa policy ng middle east. May isang kaibigan din akong head foreman ng malaking kumpanya dito mabait siya dahil magkasundo naman kaming dalawa.

Nais ko sanang ipagkalat sa buong mundo na hindi natin nakikita sa itsura o pananamit ang ugali ng isang tao kahit ano pa man ang lahi nito. Ito ay kung papaano mo sila magiging isang kaibigan at kasangga. Maraming Iba't ibang lahi na rin ang nakausap dito sa abroad marami akong natutunan sa kanila lalo na kung paano sila makitungo sa tao. Meron akala mo sinisigawan ka pero natural lang sa kanila iyon. Meron ding akala mo galit dahil nanlilisik ang mata pero ganun talaga ang itsura ng kanilang pakikipag usap. Maraming bagay tayong dapat i adjust kapag ikaw ay nasa ibang bansa dahil dito hindi mo makikita sa itsura ang ugali ng isang tao ito ay kung paano mo sila pakikitunguhan.

May isang pangyayari akong ikukuwento sa inyong lahat tungkol sa isang Pakistani na tumulong sa akin kanina dahil sa hindi inaasahang pagkakataon ay biglang namatay ang makina ng aking sasakyan sa gitna ng highway. Hindi ko kasi akalain na magkakaproblema ang aking sasakyan at magdudulot ng masikip na daloy ng trapiko. Marami ang galit sa akin dahil nagkabuhol buhol ang trapiko dulot ng pagkakabalagbag ng aking sasakyan.

Buti nalang kamo at may kasama akong katrabaho nang oras na iyon. Paano na lang kung wala siya at wala din ang Pakistani na sinasabi ko. 

Narito po ang isang maikling kwento ng pangyayari

Habang nagkabuhol buhol ang trapiko sa kinalalagyan ng sasakyan ko sinabihan ko ang kasamahan ko na itinulak ito sa isang tabi para hindi maging sagabal  sa trapiko. Marami ang lumingon lang sa amin habang itinutulak ang aking sasakyan, Maraming Pilipino ang nakatingin lang sa amin meron din Lebanese, Egyptian, Qatari, Indian, Nepal, Sri Lankan, at marami pang ibang lahi. Ngunit ang tanging nagbigay sa akin ng tulong ay ang hindi ko inaasahang Pakistani.

isang sigaw ang narinig ko

"Muskila Car" pakistani

"yes muskila the engine is stop, i dont know what happen" sabi ko naman

Sa totoo lang nakalagpas na siya ng bahagya dahil tuloy tuloy na ang daloy ng trapiko. Umandar siyang bahagya  pumunta sa isang tabi hanggang sa nakita kong bumalik siya sa aking kinalalagyan. Isang matandang pakistani ang lumapit sa akin at nagsasalita ng "arabic at hindi". Tinuturo niya sa akin kung ano ang gagawin ko pero hindi kami magkaintindihan buti na lang at may kasama akong nepali na marunong magsalita ng "hindi" kaya silang dalawa ang nag usap.

Kahit hindi kami magkaintindihan dalawa sige pa rin ang muwestra niya sa akin para subukan niyang ayusin ang sasakyan ko. Actually tumawag na rin ako ng tulong sa opisina namin at agad naman silang umaksyon para puntahan din kami sa lugar na aming kinalalagyan.

Patuloy lang sa pagcheck ang pakistani sa aking sasakyan para maayos niya ito. Kinalikot niya ang makina ng bahagya at tinignan kung ano ang sanhi ng pagtirik ng aking sasakyan. Mga ilang minuto pa kumuha siya ng cables para i check ang battery at subukang i charge ang battery ng aking sasakyan.

"Start Car" sabi ng Pakistani 

ilang beses kong inistart ang sasakyan ko ngunit ayaw pa ring mag start, Kaya ang ginawa niya siyang ang nag start ng sasakyan ko. Kinalikot ng bahagya ang ilang parte at muli niyang inistart ang sasakyan ko. Ilang sandali pa ay umandar muli ang aking sasakyan. Laking tuwa ko dahil makakaalis ulit kami ng aking kasama papunta sa kliyente ko. 

"shukran, Shukran, shukran" sabi ko 

"mapi muskila" sambit niya

Sinubukan kong kumuha ng litrato sa kanya dahil nais ko sanang ilakip ito sa gagawin kong kwento pero hindi siya pumayag kaya pasalamat na lang ang sinabi ko sa kanya. Sinubukan ko rin siyang abutan ng 20QRs pero hindi niya tinanggap kaya pasalamat nalang ulit ang ginawa ko.

Dumating ang mga kasamahan ko mga ilang minuto at nakita nilang maayos na muli ang sasakyan ko. Pero hindi ko na ulit minaneho bagkus ipinabalik ko na lang muna sa opisina para ma check ng maayos ang sasakyan ko. Sumabay na lang ako sa driver namin para puntahan ang kliyente ko.

Hindi maalis sa isip ko ang tulong na ginawa sa akin ng isang Pakistani at ilang ulit kong ibinida ito sa mga kasamahan at kaibigan ko tungkol sa kanyang mabuting ginawa sa kapwa. Sa totoo lang marami ang nakakita sa aking ibang tao karamiihan pa may mga kapwa Pilipino pa nga ngunit walang tumulong na iba kundi ang Pakistani na ipinagmamalaki ko.

Ang pangyayaring ito ay isang katunayan na hindi nakikita sa itsura at lahi ng isang tao ang kanyang ugali kundi ang taos pusong pagtulong sa kapwa. Marami kasi sa atin ang nakakalimutan ang words na pagtulong sa kapwa. May mga ilan kasi na kaya lamang tumutulong ay dahil may ibang dahilan. Ang isipin natin masaya tayo sa mga ginagawa natin dahil alam naman ng lahat na ang mabuting paggawa ay may kapalit na biyaya.

Happy weekend guys Friday kasi ngayon at day off ko kaya naisulat ko tuloy ang pangyayaring ito.




1 comment:

  1. maraming salamat sa iyong paalala na hindi dapat nanghuhusga ng kapwa base itsura,damit o lahi. marami ka pa sanang maging kaibigan sa qatar:-)

    ReplyDelete

Mag-iwan ng konting mensahe para kay BuhayOFW