First Time Vacation - Doha, Qatar
December 05, 2011 - Ang araw na aking pinakahihintay, araw ito ng aking unang bakasyon mula sa dalawang taong pagtatrabaho dito sa gitnang silangan sa bansang Qatar.
Sobrang saya ang aking nararamdaman ng tumuntong ako sa airport bitbit ang aking bagahe at pasalubong sa kanila. Hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman dahil ito ang aking unang bakasyon simula ng umalis ako ng bansa taong 2010. Alam ba ninyo na nakalimutan ko pang dalhin ang aking Electronic Airticket at maging ang aking temporary Exit Permit ito ay dahil sa sobrang excited.
Halos isang araw ang aking bhaye mula sa bansang Qatar papuntang Pilipinas. Dalawang stop over ang aking dinaanan Doha-Kuwait-Bangkok-Pilipinas. Matagal-tagal din ang aking hinintay sa bansang Kuwait kaya hindi ko mapigilan ang magpakuha ng larawan para magkaroon ng alala na minsang tumuntong ako ng bansang Kuwait kahit 4 na oras lang. Bumili na rin ako ng pandagdag na pasalubong na chokolate para sa kanila. Lumipas ang ilang oras at dumating na ang aking hinihintay na oras para muling sumakay ng eroplano papunta ng Pilipinas.
Habang papasakay kami ng eroplano napag-alaman ko na isa pala ito sa mga stop over ng ilan nating mga kababayang OFW na galing din ng iba't ibang bansa mula sa Middle East. May nakausap akong galing ng Saudi, Bahrain, Oman, at ilang kababayan nating nasa Middle East. Nakakatuwang makakita na may uuwing Pilipinas na isang buong pamilya. Karamihan sa mga nakasabay ko papauwi ng Pilipinas ay mga OFW, bilang lang ang turista na Pilipino sa ibang bansa. Nakakalungkot talaga isipin na kailangan nating magsakripisyo para lamang kahit paano ay gumaan ang buhay natin sa Pilipinas.
Lingon dito lingon doon, puro Pilipino ang nakaupo halos pinoy lang ang nakapuno ng isang malaking eroplano na Kuwait Airplane. Kakaiba talaga ang pinoy kung iisipin natin marami ang kumukuha ng ating serbisyo para magtrabaho tayo sa kanila. "Iyan ang Pinoy ika nga" kahit saan mang panig ng mundo may pilipino.
Umalis ang aming eroplano ng bandang 12:00am habang nasa loob kami ng eroplano ay hindi maiiwasan ang mga biruan ang kapwa Pilipinong OFW. May nagtuksuhan at may nag asaran din, mga nakakatutuwang pangyayari ang aking nasaksihan habang nasa loob kami ng eroplano. Sabi nga ng katabi ko sa upuan para mukang nabati si Manong ayun tignan mo namumutla. Wala kasing ginawa ang matandang iyon kundi ang asarin ang mga pasahero na pilit binibigyang kahulugan ang pagbibiruan ng mga magkababayang lalake at babae. Kaya ang napala niya mukang nabati siya kaya nahihilo at pilit na nagpapalaway sa bawat isa. Nakakatuwang tagpo ang aking nasaksihan ng nasa loob kami ng eroplano.
Sa sobrang excited wala akong ginawa kundi magbilang ng magbilang ng oras, Kuya ilang oras na lang ang bhaye natin? siguro mga 20x kong binanggit ang salitang iyan at panay ang tingin sa aking relo. Hindi ko mahintay ang sandali lumapag ang aming eroplano. Ang kasabikan ng bawat isa amin ay makikita mo dahil panay ang sigaw at palakpakan ng karamihan. Ganito pala ang feeling ng first time na magbabakasyon sobrang saya at hindi mo maipinta ang ngiti sa mga mata.
Lumapag na ang airplane palakpakan, sigawan ng sigawan "Welcome to the Philippines" ang maririnig mo. Sabik na sabik kaming lahat at nagmamadaling kaming lumabas ng eroplano. Pagdating sa loob ng immigration tatak nang entry ang unang naming ginawa, pagkatapos nun dun naman kami sa package hinintay namin na makita ang aming bitbit na package para mailagay sa strolly. Ayun nakita ko na lahat ng aking package pagkatapos nun ay diretso na kami sa exit ng paliparan.
Malayo pa lang ay kitang kita ko na ang aking mag iina na susundo sa akin. "Papa Alex ko, Papa Alex ko, Papa Alex ko" ang tinig na nagmumula sa aking panganay na anak, nakita na niya ako isang kaway pa ang aking ginawa at nakita na rin ako ng aking asawa. Kahit sobrang pagod sa bhaye, biglang nawala ang aking pagod nang mahawakan ko silang lahat. Ang anak kong bunso na iniwan ko na halos hindi pa naglalakad, tulala at hindi makapag salita dahil siguro sa hindi pa niya ako kilala, ang panganay kong anak na noon ay dalawang taon pa lang, ngayon ay apat na taong gulang. Sobrang yakap ang aking ginawa parehas ko silang binuhat at hinalikan. Nakakatuwa talaga ang aking nadatnan kumpleto ang aking pamilya sarap ng aking pakiramdam.
Mahirap mawalay ng matagal sa ibang bansa pero tinitiis iyan ng bawat padre de pamilya o ina ng tahanan na nakikipag sapalaran sa ibang bansa dahil nais nilang bigyan ng magandang buhay ang ating mga pamilya. Ang karanasan ko bilang OFW sa ibayong dagat masasabi ko na hindi ganun kaganda at kadali dahil totoo naman na kaya lang tayo lumisan ng ibang bansa para kumita ng malaki pera at makapagbigay ng magandang buhay sa ating pamilya.
Ang kanilang kwento ang aking naging batayan kaya ako patuloy na nagsusulat ng mga kwento at salaysay natin para malaman kung paano ba talaga ang buhay ng isang OFW. Ang pakikipag sapalaran sa ibayong dagat ay sugal na dapat nating paghandaan hindi natin malalaman kung panalo ba o talo tayo sa bawat bhaye na ating pinupuntahan. Kaya naman ang bawat bakasyon natin kapiling ang ating mga mahal buhay ay ating sulitin dahil minsan ilang buwan lang natin sila makakasama at muli na naman tayong sasabak mag isa sa ibang bansa.
Ang istoryang ito ay base sa aking karanasan "First Time Vacation" na una kong bakasyon bilang isang OFW. Salamat po sa lahat ng nagbigay ng oras para basahin ang aking karanasan at sana po ay inyong maibigan.
nag-stop over din ako sa kuwait ng 4 oras nung galing akong saudi, alam ko ang naramdaman mong pagka-inip, excitement at anticipation, ienjoy sa iyong bakasyon at congratulations sa peba in advance!
ReplyDelete