First time vacation.... Grabe nakaka excite pala kapag first time ka mag babakasyon after two years na nakikipag salaparan ka sa ibang bansa. Hindi mo mapigilan ang excitement dahil malapit mo ng makita ang mga mahal mo sa buhay at muli silang mayakap at mahalikan. Totoo pala na halos hindi kana makakatulog dahil parang gusto mo kinabukasan ay bitbit mo na ang maleta at bagahe mo para makauwi kana masilayan muli ang kanilang itsura.
Sa dalawang taong kong mapapamalagi sa ibang bayan marami akong natutunan sa buhay. Maraming pagsubok ang dumating sa akin at marami din kaligayahan ang nangyari. Sa totoo lang hindi ko pa rin lubos maisip na nakatapos na ako ng dalawang taong kontrata sa kumpanyanng pinaglilingkuran ko dito sa disyerto ng Qatar ang bilis talaga ng panahon.
Nung unang tapak ko sa lupain ng Qatar para akong bata na tuwang tuwa picture dito picture doon ang ginawa ko kasi first time abroad. Maraming bagay ang hindi ko makakalimutan. Una sa lahat ang pagtulong ng mga kasamahan ko sa trabaho noong nagsisimula pa lang ako sa abroad kanila "Sir Rolan, Brother Kiko, Boyet at si Condrad na nakauwi na nang Pilipinas. Sila ang mga taong unang tumulong sa akin noong ako'y nagsisimula pa lang mag abroad "Maraming salamat po sa inyong apat".
Ang pinapangarap kong bakasyon ay nagkatotoo na makasama ko sila sa buwan ng Disyembre at sa pagbubukas ng taong 2012.
Ang aking panalangin:
Salamat po Ama sa mga biyayang ibinigay ninyo sa aming pamilya. Sa walang sawang pag iingat at pag tulong po ninyo sa amin noong kami ay nagkaroon ng problema. Sa pagkakasakit namin na kami ay iyong pinagaling at higit sa lahat sa mga pagtapik po ninyo sa aming maling gawain.
Maraming salamat po
Ang lahat ng ito ay magalang naming hinihiling kay Jesus na aming tagapaglitas
Amen.....
Ang maibabahagi kong karanasan sa aking dalawang taong BuhayOFW ay ang mga sumusunod:
- Ang Pag iipon - Lagi natin iisipin na ang buhay natin sa abroad ay hindi ganun kadali ang bawat pera na ating pinaghihirapan ay katumbas ng lungkot at hapis na hindi natin kapiling ang ating mga mahal sa buhay. Kaya ang pag iimpok ang pinaka mahalagang bagay na dapat nating gawin habang tayo ay nasa ibayong dagat. Sabi nga ng mga nakausap ko kailangan pag uwi ko ng Pinas may negosyo na akong maitatayo galing sa pinaghirapan ko dito. Totoong totoo po iyan dahil wala naman tayong ibang nais kundi ang makabalik ng Pilipinas at doon natin simulan ang ating magandang bukas kapiling ang ating mga mahal sa buhay.
- Ang Pakikipag-kaibigan - Importante na gawin ng isang OFW ito dahil sila lamang ang magiging katuwang mo habang nakikipag sapalaran ka sa magulong mundo ng OFW. Ang kaibigan natin sa ibang bansa ang magiging dahilan para matanggal ang homesick at maging ang lungkot dahil sila lamang ang makakatulong para pansamantalang maibsan ang kalungkutan sila rin ang tutulong sayo kapag nagkaroon ka ng problema sa abroad.
- Ang Pagtitipid - Ito ang hindi ko nagawa na kailangan kong baguhin sa aking pagbabalik abroad. Totoo pala na kapag first time abroad ka! ang ugali na hindi mo maiiwasan ay ang "Bilmoko - Bili dito Bili doon" ika nga nila one day millionaire. Kapag malapit ka na umuwi doon mo lang maiisip na bakit pa kasi ako bumili nito ang liit tuloy ng uwi kong pera. Tsk tsk tsk
- Ang Pride - Kailangan may increase ako pag balik ko at kung hindi resign. Marami sa atin ang nag iisip nang ganito kapag malapit nang umuwi dahil nais nating madagdagan ang ating sweldo. Paano kung ang kumpanya na pinapasukan mo ay hindi ka kaya bigyan ng increase malamang makikipag bargain ka at kung hindi magkasundo ang hihingin mo Exit Clearance - Mag aapply ka ulit sa iba ng pahirapan at gagastos ka ulit ng malaking halaga para makapag aboad. Bago natin gawin ang isang bagay pag isipan po muna natin mahigit sa sampung beses bago tayo mag desisyon. Mahirap mawalan ng trabaho lalo na kapag may asawa't anak kana. Maiisip na lang natin iyan kapag nasa Pilipinas na tayo.
- Ang Pag iingat - Ingatan natin ang ating uwing pera at maging ang ating dalang gamit minsan nakakaligtaan natin ito. May mga time na hindi natin maalala kung saan natin nailagay ang ating pera lagi natin iisipin na ang perang ating nakuha ay madali din mawawala dahil sa laki ng gastos sa Pilipinas ngayon. Tipid tipid ang kailangan para makaraos sa bakasyon sa Pilipinas.
Lahat tayo na mga BuhayOFW ay walang ibang nais kundi ang makapiling ang ating mga mahal sa buhay nais natin hilahin ang araw para madali natin silang makasama. Sa bawat bakasyon na ating gagawin ibigay natin ang ating oras para sa kanila dahil ang bawat segundo, minuto at oras na makapiling natin sila ay walang katumbas na kaligayahan ang ating madadarama.
Mula po sa BuhayOFW
Ang aking karanasan
No comments:
Post a Comment
Mag-iwan ng konting mensahe para kay BuhayOFW