Monday, October 31, 2011

BuhayOFW - Araw ng Undas

Doha, Qatar - Araw ng Undas (November 1-2, 2011) Isang pag alala sa ating mga mahal sa buhay. Ito rin ang araw na kapanganakan ng aking INA. Karamihan sa atin ay nagpupunta sa mga libingan at sementeryo para dalawin ang ating mga namayapang mahal sa buhay. Karamihan sa atin ay nagtitirik ng kandila at nagdadala ng kung anu-ano sa lugar kung saan nakahimlay ang ating mga minamahal.

Ngunit paano kung nasa abroad ang isa sa atin. Paano natin magagawang dalawin ang puntod na libingan ng ating mga namayapang kapamilya, kamag-anak at maging ang ating kaibigan. 

Hindi ko makakalimutan ang aking Ama at Ina na nagtaguyod sa aming magkakapatid upang mabuhay dito sa mundo. Kaya naman kahit hindi ako katoliko na katulad ng aking mga kaibigan ay nagbibigay pa rin ako ng respeto sa aking mga magulang sa pamamagitan ng pag-alala sa kanila. Isang munting panalangin ang aking inaalay sa tuwing sasapit ang araw na ito bagama't alam ko na hindi na nila alam ang aking ginagawa ay patuloy ko pa rin silang inaalala.

Mahirap mawalan ng magulang sa maagang panahon hindi na nila naabutan na nagkaroon ako ng mga anak dahil maaga sila namayapa. Nakakalungkot  talaga isipin dahil wala akong nagawa. Alam naman nila ang aking nagawa para sa kanila noong nabubuhay pa sila at ganun naman talaga ang buhay hindi natin alam kung hanggang kailan tayo dito sa ibabaw ng mundo. Alam ko naman na masaya sila kung asan man sila ngayon dahil natupad ko ang pangako ko na makakapunta ako ng abroad balang araw at maipakita sa kanila ang aking pagpupursige para sa kanilang mga apo na hindi na nila naabutan pa. 

Naalala ko pa noong nabubuhay pa ang aking AMA sinabi niya sa akin na gusto niyang makita ang aking anak na lalaki na kasing gwapo ko nakakatawa diba! Sa tuwing naalala ko nga ito may kurot sa aking puso dahil hindi ko makalimutan ang katagang iyon. Hinding hindi ko rin makakalimutan ang araw na sila ay pumanaw at iyan lagi ang pumapasok sa isip ko kapag sumasapit ang araw na ito. Nakakapang hinayang talaga kung nagawa ko ng maaga na maka pag abroad ako marahl ay nadala ko pa sila sa pagamutan at humaba pa ang kanilang buhay.


Maraming bagay na iniwan sa akin ang aking mga magulang katulad na lang ng suot kong porselas na gawa sa stainless na mula sa aking INA gamit gamit ko pa ito hanggang sa ngayon. Sa katunayan kahit masikip na sa aking kamay ay pilit ko pa rin itong sinusuot dahil ito lang ang bagay na nakakapag paalala sa aking INA. Maging ang sout kong relo na Quartz(Q&Q) ito ang nagsisilbing oras ko dahil ito ang gamit ng aking AMA noong nabubuhay pa siya.

Ang mga bagay na iniwan sa akin ng aking mga magulang ay walang katubas na presyo o kayamanan bagaman ito ay hindi gaano karangya sa mata ng tao ito ang pinaka importanteng bagay na iniwan sa akin ng aking mga magulang. 

Napaka swerte ko pa rin bagama't walang iniwan sa akin na kayamanan gaya ng bahay, ari arian, at maging pangkabuhayan hindi ako nagsisi sa iniwang mahalagang bagay sa akin. Ito ang masasabi kong kayamanan na hindi ko ipagpapalit kanino man.

Ang pag alala sa ating mga magulang at maging sa ating mahal sa buhay ay wag po nating kalilimutan bagaman sila ay pumanaw na nakatatak pa rin sa ating mga puso at isipan ang kanilang pagmamahal at pagkalinga. 

Mula po sa BuhayOFW

No comments:

Post a Comment

Mag-iwan ng konting mensahe para kay BuhayOFW