Friday, October 14, 2011

Ang Kasambahay sa ibang bayan

Isang magandang araw po BuhayOFW, Iyan ang bungad sa akin ng isang kasambahay na nakilala ko dito sa abroad ng minsan pumunta ako bahay ng isa kong kliyente dito sa abroad. Isa siyang kasambahay na ang amo ay prominenteng tao dito sa abroad. 

Kinamusta ko ang kanyang kagalayan bilang kasambahay. Sabi niya sa akin, Maayos naman ang kanyang kalagayan dito dahil maganda ang magpamalakad ng kanyang amo. Tuwang tuwa niyang kinukwento sa akin na nakarating na siya sa mahigit na 10 iba't ibang bansa. Kahit na mababa ang sweldong kinikita niya ay suportado siya ng kanyang amo. Malaya siyang nakakagamit ng mga kagamitan gaya ng cellphone, computer at iba pang gamit sa bahay. Nakakatuwang isipin na bihira sa mga kasambahay ang binibigyan ng pagkakataon na kanilang amo ng ganitong prebeleheyo.

Isa pang kwento niya sa akin kapag may nakalumaan nang gamit ang kanyang amo ay ibinibigay na lang sa kanya ito at nagagamit niya ng maayos. Nakakatuwa diba dahil napakabait ng kanyang amo at sana ganito rin ang nararanasan ng iba nating mga kababayan na kasambahay.

Bago pa ako umalis sa bahay ng kanilang amo na aking kliyente at binigyan pa ako ng maiinom at sandwich na gawa nila kaya naman nakakatuwang isipin na sabik ang ating mga kababayan na makasalamuha ng kapwa pinoy. Sobrang saya ang nararamdaman nila ng makilala nila ang katulad kong ordinaryong tao na sumusulat ng ganitong istorya ng mga OFW. Isang pasasalamat po ang aking ipapaabot sa inyo na minsan ko po kayo nakilala dito sa ibang bayan na ating pinuntahan.

Ang kasambahay ang isa sa maraming trabaho sa labas ng bansa at ito rin ang isa sa marangal na trabaho na pinagmamalaki ng ating mga kababayan. Ipinamamalaki kong sabihin sa inyo na bagamat marami sa ating mga kababayan ang dumadanas ng kalupitan sa kanilang amo ay taas noo pa rin nila ipinagmamalaki ang kanilang trabaho. Hindi ko makalimutan ang sinabi sa akin ng kasambahay na nakilala ko "Sir ang trabaho namin dito ay katulong lang pero ikinararangal namin ito dahil marangal ito,  Ito lang kasi ang aming naabot dahil hindi naman kami nakatapos ng pag aaral. Masaya kami dito dahil nakakatulong kami sa aming pamilya para may ipadala sa kanila. Hindi kami nagnanakaw at gumagawa ng mali dahil alam namin na kami rin ang maapektuhan nito". Sa kanyang sinabi ay umantig sa aking puso ang pagiging mababang loob ng kababayang ito. Nakita ko ang kanyang pagmamahal sa kanyang sarili at maging sa kanyang pamilya.

Sa mga kababayan natin nagkaroon ng pagkakataon na makasalamuha ng katulad nilang kasambahay. Patuloy po sana natin sila suportahan at bigyan ng pansin dahil sa hindi biro ang kanilang pinagdaanan bilang kasambahay dito sa ibang bayan. Ang marangal na trabaho ay susi sa ikatatagumpay ng bawat Pilipinong nakipagsapalaran sa ibang bayan.

Maraming salamat sa pagkakataon na nakakilala ko ang isang kasambahay na maayos ang kalagayan sa kanilang amo. Patuloy ko pong ipagdarasal ang inyong magandang kalagayan sa piling ng bawat amo na inyong pinaglilikuran.

Ang inyong lingkod BuhayOFW





No comments:

Post a Comment

Mag-iwan ng konting mensahe para kay BuhayOFW