Ang paglalakbay natin sa ibang bayan ay atin pong pahalagahan. Karamihan sa atin ay may trabaho na dapat unahin at wag ang mga bagay na ikasasama nito. Sa aking pagtatrabaho dito sa abroad maraming bagay akong natutunan at yan ang makisama at makisalamuha sa ibang nating mga kababayan.
Hindi ko sukat akalain na ang BuhayOFW na aking ginawa ay aking seseryosohin sa mga panulat na aking ginawa, Hindi ko din lubos maisip na malayo ang mararating nito at mailalahad ang ilan sa karanasan ng ating mga kababayan sa pamamagitan ng sulating ito. Sa dami ng aking nakilala at nakasama iba't ibang ugali ang aking nalaman may mabait, matapang, tsimoso't tsimosa, manggagamit, plastik, at marami pang iba.
Ang ating atupagin ay kung paano tayo makakaraos sa ating buhay dito sa ibang bayan at hindi ang mga walang kwentang pagkakaabalahan. Subukan natin maging mapagkumbaba at wag makipag mataasan sa ating kapwa. Hindi maganda na tayo mismo ang gagawa ng mga bagay na ikakasira ng reputasyon ng iba. Lagi nating iisipin ang bagay ng makakabuti sa lahat bago tayo humusga sa mga bagay na alam naman nating ikakasama ng ating kapwa.
Narito tayo upang kumita ng pera at magtrabaho. Ang bawat boluntarismo natin sa ibang tao ay hindi natin dapat hanapan ng kapalit bagkus tayo ang maging modelo nila. Napakasarap ang pakiramdam na maging isang bida subalit sa pagiging bida napakarami naman ang kontra bida. Lahat tayo ay biniyayaan ng ating Diyos ng sapat na pag iisip at gamitin natin ito ng tama at hindi ang makasakit ng damdamin ng iba.
Ang pagiging matapang at pranka ay sa Pilipinas lang dapat natin gawin dahil karamihan sa atin dito ay pawang nag iisa at walang kasama. Maaatim ba natin na tayo mismo ang dahilan na ikakapahamak ng iba. Mahirap sagutin ang bawat akusasyon na ibinibintang sa atin subalit sana ma isip muna bago tuluyang mag desisyon sa bawat salita na ating binibitawan.
Naalala ko tuloy ang isang tagpo na ako mismo ang dahilan ng pagkakawatak watak ng isang grupo. Ibinabahagi ko lamang ang aking karanasan para na rin sa kaalaman ng iba. Mahirap ang magbitiw ng mga salita na sa bandang huli ay pagsisihan mo dahil ikaw mismo ang gumawa ng bagay na ikakasira ng kanyang pagkatao.
Alam naman natin ito dahil malalaki na tayo hindi na tayo bata para makipagtalo. Isang paalala lang po sa mga taong matatapang at walang takot magsalita laban sa mga ibang tao.
Nag uulat BuhayOFW
TAMA! Need to be tactful OFW K mAn or HINDI…..
ReplyDelete