Wednesday, May 30, 2012

3 Pinay sa Viallagio Mall Bagong Bayaning Maituturing

Doha Qatar - Tatlo sa ating mga kababayan ang nasawi sa naganap na sunog dito sa Viallagio Mall Doha Qatar. Sila ay sina Maribel Orosco, Margie Yecyec at Julie Ann Soco mga bagong guro ng Gympanzee Nursery School. Sumabak sila sa buhay abroad upang matulungan ang kanilang mga pamilya sa Pilipinas. Subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagkaroon ng malaking sunog sa kanilang pinapasukan at nagresulta ng kanilang pagkamatay.

Maituturing nating kabayanihan ang kanilang nagawa sapagkat hindi nila iniwanan ang kanilang responsibilidad bilang mga guro at tagasubaybay sa mga bata. Ang tanging nagawa na lang nila ay hindi iwanan ang kanilang mga alagang bata na kasama ring namatay sa loob ng gusaling iyon. Mahigit sa 19 ang namatay kabilang ang 13 mga bata, 6 na mga matatanda kabilang ang ating 3 kababayang Pinay at ilang civil depense personnel.

Nakakalungkot mang isipin dahil ang mga kababayan nating ito ay hindi rehistrado ng ating POEA at OWWA (Undocumented OFW). Ayon sa kanilang pinapasukan kasalukuyan pang inaayos ang kanilang mga papeles para maging legal na OFW workers dito sa Qatar. 

Ipanalangin natin na sana mabigyan ng kaukulang benipisyo ang mga ito.  Upang maihatid ng maayos sa ating bansa at makapiling ang kani kanilang pamilya na kasalukuyang nagluluksa sa kanilang pagkamatay. Nakatatak na sa ating mga puso ang pagiging bayaning Pilipino at iyon ang hindi maiaalis sa ating lahat.

Nakikiramay po ang buong BuhayOFW sa sinapit ng ating mga kababayang guro. Ikinararangal po namin kayo lahat na nagsakripisyo bilang mga guro at tagasubaybay.


  

No comments:

Post a Comment

Mag-iwan ng konting mensahe para kay BuhayOFW