Thursday, June 23, 2016

Ang kwento ni Jenny sa bansang Bahrain

Dear BuhayOFW,

Isang magandang hapon po sa inyong lahat.

Nabasa ko sa iyong website na pwede kaming magbigay ng kwento na hango sa aming karanasan sa ibang bansa na pwedeng kapulutan ng aral  o magbigay inspirasyon sa ating mga kasamang OFW.

Ako nga po pala si Jenny, isa po akong OFW dito sa Manama, Bharain at namamasukan bilang isang food server sa isang restaurant. Akala ko noong una ay masarap ang nasa ibang bansa dahil akala ko ay madali lang kumita ng pera dahil malaki ang sweldo. Noong una ay excited akong umalis ng bansa dahil kikita na ako ng perang hindi ko kinikita sa Pilipinas.

Mali pala ako sa kasamaang palad hindi naging maganda ang unang taon ko dito dahil hindi po nasunod ang sweldong aking pinirmahan. Kaya sising sisi ako kung bakit pa ako umalis ng bansa dahil regular naman ako sa pinapasukan kong trabaho sa Pilipinas. Ang pangako ng aking employer ay hindi natupad.

Dumating sa punto na nais ko ng bumalik ng Pilipinas subalit ang iniisip ko ay kung paano ko mababayaran ang mga nautang kong pera na ginamit ko pang process ng  mga papeles. Sising sisi ako noong una dahil sa nangyari sa akin.

Sa kabila ng mga problemang kinahaharap, Pilit kung kinubli iyon at hindi ko sinabi sa aking mga magulang upang hindi sila mag alala. Pinakita ko sa kanila na maganda ang aking trabaho at masaya ako sa pamamagitan ng post ko sa Facebook. Sa totoo lang kabaliktaran ang lahat ng iyon. Nagtiis ako sa mga problema na hindi ko na ipinaalam sa kanila.

May mga kasamahan din akong walang ginawa kundi ang gumawa ng tsimis at isyu na hindi naman nakakabuti para sa amin. Hinayaan ko na lang ang mga ganung bagay dahil walang kwenta kung papatulan ko pa ang mga iyon.

Mabuti na lang at may mga naging kaibigan akong nalalapitan kapag meron akong problema, kaya sa kanila ko nalang sinasabi ang lahat. Hihingi din po ako ng payo kung ano po ba ang dapat kung gawin para hindi ako mawalan ng pag asa dito sa abroad.

Hanggang dito na lang sana po ay mabigyan ninyo ako ng konting payo sa aking karanasan.

Maraming salamat po,

Jenny B.
Manama Bharain
___________________________________________________________

Dear Jenny,

Magandang hapon din sayo

Una sa lahat maraming salamat sa sulat na ibinahagi mo sa amin. Napaka laking tulong ang iyong ginawa para malaman din ng iba ang katulad ng iyong naranasan. Sa totoo lang marami na tayong kababayan na parehas ang sinapit sa kanilang mga pinapasukan. Marami din akong nakilala na mas malala pa ang sinapit sayo. Kaya maswerte ka pa kahit paano dahil nakakakuha ka ng sweldo.

Marami tayong kababayan ang naghihirapan lalo na kung sa sweldo din lang ang pag uusapan. May mga kakilala din ako na mahigit sa tatlong buwan walang sweldo at ang iba pa sa kanila ay hirap sa pag kain. Kaya napipilitan silang humanap ng ibang pagkakakitaan upang pang tawid gutom man lang.

Wag kang mawawalan ng pag-asa dahil lahat naman tayo ay may pagkakataon na baguhin ang ating buhay lalo na kung may tiyaga at sipag ka. Iwasan mo din ang mga kaibigan na magpapahamak sayo sa bandang huli para ng sa ganun ay makaiwas ka sa mga gulo.

Palagi kang manalangin para mailigtas ka sa mga kapahamak. Tandaan mo na ang pagiging OFW ay hindi karangyaan ang pinunta sa abroad kundi ang mag impok ng pera para sa ating mga mahal sa buhay.

Hanggang dito na lamang at maraming salamat sa iyong liham

Gumagalang,
BuhayOFW




No comments:

Post a Comment

Mag-iwan ng konting mensahe para kay BuhayOFW